Advertisers
NAARESTO sa operasyon sa Quezon City ang dalawang investment scammers na konektado sa FMD Logistics Trucking Corporation.
Nabatid na nag-aalok ang kompanya ng 55% return on investment sa loob ng anim na buwan, na may inisyal na investment na P11,000 hanggang P315,000.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), walang opisyal na dokumentong nagpapatunay na nag-o-operate ang kompanya bilang lehitimong trucking company.
“May mga trucks po silang ipinakikita. Wala pong ganon, so eto po ay ine-entice lang po nila na kunyari may mga trucks sila at mga business proposal sila na sinasabi, pero wala pong ebidensya tayong nakita na totoo ‘yun,” ani NBI-STF Chief Bernard Dela Cruz.
Una nang sinita ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang FMD Logistics Trucking Corp. at FMD Logistics International Corp., at mga opisyal nitong sina John Edward Obatay Vitorio, Mark Anthony Ballesteros, at Ronel Joven Lapira, sa pagsasagawa ng investment-taking activities ng walang tamang lisensya.
“‘Pag isinara nila ang isang kompanya, bubuo uli sila ng isang kompanya na pare-pareho naman ang may-ari. Sila sila lang naman po,” paliwanag pa ni Dela Cruz
Depensa naman ng isa sa mga suspek na si Sean Mari Pili, hindi niya alam na scam ang nasabing kompanya.(Jocelyn Domenden)