Advertisers
SA lahat ng mga would-be vaccinees o magpapabakuna, may pakiusap si Manila Mayor Isko Moreno at ito ay pairalin ang pagiging kalma at sariling disiplina. Ang pakiusap ng alkalde ay kaugnay ng pagdagsa ng napakaraming tao na nagmula sa ibang lugar sa labas ng Maynila at binalewala ang cut-off at inalis ang narriers kaya naman napilitan ang shopping mall na ginawang vaccination site na pansamantalang magsara.
Ginawa ni Moreno ang panawagan matapos na iulat sa kanya ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang punong tagapangasiwa ng mass vaccination program ng lungsod, base rin sa ulat ng mga volunteers at mall personnel na payapa ang sitwasyon sa vaccination sites hanggang alas-2 ng madaling araw nang magdagsaan na ang mga tao na sakay ng mga vans at malalaking jeep
Ayon pa sa ulat, ang mga dumagsang tao ay bigla na lamang nag-ingay, nanggulo at pinagtatanggal ang mga barrier o harang at pinagpipilitan na papilahin sila kahit hindi naman sila naka-rehistro online.
Kapuna-puna ayon kay Lacuna na ang mga dumagsang mga tao ay galing sa labas ng Maynila at nagmula pa sa lugar tulad ng Laguna at Cavite at sinabi sa mga marshalls na kaya sila nagpunta sa nasabing vaccination sites dahil sa balitang ang mga hindi bakunado ay aarestuhin kapag lumabas ng bahay sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) na nakatakdang magsimula sa August 6.
Ang crowd estimates sa nasabing mall vaccination sites ayon sa datos na nagmula kay Manila Health Department (MHD) chief Dr. Poks Pangan ay ang mga sumusunod: SM San Lazaro — 7,000 – 10,000 plus; SM Manila,5,000; Lucky Chinatown, 3,000 at Robinson’s Manila, 4,000.
Ayon pa kay Lacuna, ang bilang ng mga nagpupunta sa mga vaccination sites ay umaabot lamang ng mula 1,000 hanggang 2,000 at alam ng mga ito ang pinaiiral na polisiya tulad na dapat na ikaw ay pre-registered at mayroon kang nakahandang QR codes. Sa kaso ng mga nagsidagsang mga tao mula sa Cavite at Laguna ay wala silang maipakitang QR code at hindi rin sila nakarehistro online.
Dinagdag pa ni Lacuna na ang mga residente ng Maynila ay alam agad kapag may cut-off na dahil sinasabihan agad ang mga ito at payapang umuuwi na at naghihintay na lang ng panibagong schedule ng vaccination day.
Dahil sa naganap na kaguluhan ay napilitan ang SM San Lazaro Mall na kanselahin ang naka-schedule na pagbabakuna pero natuloy naman ang pagbabakuna sa SM Manila, Lucky Chinatown at Robinson’s Manila.
Sa panayam kay Lacuna ay sinabi nito na may 2,500 doses ang inilaan sa bawat mall site at habang dinadagsa ng mga residente ang mga vaccination sites, kakaiba ang dami ng tao na dumagsa noong Huwebes.
Napuna rin ng bise alkalde sa ulat ng mga kawani ng MHD na ang napakaraming taong dumagsa sa mall at nagdulot ng kalituhan ay hindi alam ang umiiral na polisiya sa Maynila tulad ng pagrerehistro online at pagpapakita ng QR code.
“Open policy kami sa Manila, nagulat lang kami na biglang dumagsa ang mga tao ngayong araw. As much as possible gusto namin yakapin ang lahat para mabakunahan, taga-aynila man o hindi,” sabi ni Lacuna.
Idinagdag pa ni Lacuna na ang mga kapulisan at mga barangay volunteers ay sinasabihan ang mga tao kapag naabot na ang cut-off, pero noong Huwebes ay nagmatigas ang mga nagsidagsang tao sa mall at hindi pinakinggan ang payo ng mga pulis at volunteers. (ANDI GARCIA)