Advertisers
NAITABOY ng BRP Cabra ang isa pang Chinese Navy warship na namataan sa Marie Louise Bank na nasa layong 147 nautical miles mula sa baybayin ng El Nido, Palawan.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), na-monitor ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang isang “navy warship” na may bandila ng People’s Republic of China at markado ng Chinese characters.
Nagpaabot ng radio challenge ang barko ng Pilipinas, habang binabantayan ang galaw ng nasabing barko.
Nilapitan din ang PCG vessel para mas maaninag ang aktibidad ng Chinese Navy Warship sa katubigan.
Nang hindi makatanggap ng verbal response, ginamit ng MRRV-4409, sa pangunguna ni Commander Erwin Tolentino, ang Long Range Acoustic Device (LRAD) para ipahatid ang verbal challenge sa Chinese Navy Warship.
Kasunod nito, nagsimulang gumalaw ang barko palabas ng Marie Louise Bank.
Sinundan ito ng BRP Cabra (MRRV-4409) para masigurong lilisanin nito ang nasabing katubigan na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Nang mabatid na humigit-kumulang 500 – 600 yarda o 0.25 – 0.30 nautical mile lang ang distansya ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa kanilang barko, nagpahatid ng radio message ang Chinese Navy Warship:
“Philippine Coast Guard 4409, this is Chinese Navy Warship 189. Please keep two nautical miles distance from me,” ayon sa barko.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa Chinese Navy Warship gamit ang ‘Rules on the Use of Force (RUF)’. Ito ay hanggang sa tuluyang nakalabas ng Marie Louise Bank ang nasabing foreign state vessel na tumakbo sa bilis na 9.4 knots. (Josephine Patricio)