Advertisers
PINAALALAHANAN ng isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang mga botanteng Pilipino na huwag magpapaniwala sa mga naglalabasang surveys ngayon sa pagpili ng susunod na mga lider ng bansa sa 2022.
Sinabi ni Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, na layon lamang ng mga survey na maimpluwensyahan ang utak ng mga botante lalo na kung may tanong ito na “preferred candidates”.
“I hope we don’t believe in these surveys. It only conditions our minds,” bahagi ng homily ni Pabillo sa misa sa Maynila nitong Linggo.
Idinagdag ni Pabillo, bagong vicar apostolic ng Taytay, Palawan, ginagamit na “propaganda tools” lamang ng mga politiko ang mga survey na hindi dapat paniwalaan.
Sa halip na magpapaniwala sa mga ito, kailangan na pag-aralan umano ng publiko ang salita ng Panginoon ukol sa pagiging lider at kung sino ang may karakter na ganito sa mga kandidato.
“We need leaders who are moved by the dire situations of the people. We need leaders who have mercy and compassion,” ayon pa kay Pabillo.
Sinabi pa ni Pabillo na kailangang piliin ang isang lider na kayang isakripisyo ang sariling interes para sa kapakanan ng taumbayan. (Andi Garcia)