Advertisers
DAANG libong katao ang nalokong nag-invest sa Asia Works dahil sa alok nitong serbisyo na patok na patok dahil sa minimum investment na P500.00 ay kikita ito ng P 50.00 kada araw o 10% ng halaga ng investment mo. At mayroon ka pang karagdagang 20% sa investment ng bawat mare-recruit mo.
Nito lamang Mayo 20, 2021 nang mag-umpisa ang asiaworks.com at madali itong nakapanghikayat sa pamamagitan ng mga video, certificate of registrations, at mga award na ipinapakita mismo ng founder nito na si Ivan Henry Enijo II.
Madali rin magparehistro sa website nila at malinaw nakasaad doon ang mga dapat gawin kung paano mag-invest at kung paano lalaki pa ang kita. Agad ding matatala sa iyong account ang halaga ng iyong kita kada araw. Personal ding nakakausap ang founder na si Enijo sa kanyang facebook account kung kayat madami ang nagtiwala.
Subalit ngayong July 12, lahat ng investors nito ay nagulat nang sa pagbukas ng kanilang account, lahat ay naging P 0.00 ang laman. Hindi na rin mabuksan ang website nito pati narin ang facebook account ni Enijo. Kung kayat sa social media na lamang nagpahayag ng hinagpis at galit ang libo libong investors na na-scam nito. (Ma. Jessica Erana)