Advertisers
TRANSPORMASYON ng mga pampublikong paaralan upang maging kapantay ng mga pribadong paaralan at paglikha ng maraming trabaho. Ito ayon kay Manila Mayor Isko Moreno ang kanilang plano ni Vice Mayor Honey Lacuna sa loob ng anim na buwan na kung saan ang makikinabang ay ang mga walang trabahong Manileño at ang mga mahihirap na mag-aaral ng lungsod.
Sinabi ni Moreno na ang local government ng Manila ay magkakaroon ng mga paraan upang labanan ang mga hindi magandang resulta sa ekonomiya ng pandemya sa pamamagitan ng mga inprastraktura, pabahay at mga proyektong pampaaralan.
Kapuna-puna ayon kay Moreno na sa pinakahuling ulat, ang bilang ng mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ay umabot na 12 million.
Sa pamamagitan ng mga proyektong nakalinya sa mga darating na buwan, sinabi ni Moreno na umaasa ang lungsod na makalilikha ng trabaho para sa 5,000 katao habang inaayos ang problema sa mga informal settlers, maliban pa sa nagawa na ng pamahalaan sa lungsod.
Sa ilalim ng panibagong commitment ni Moreno sa mga residente ng Maynila, sinabi nito na hinahanda na ang bagong mukha ng ilang mga pampublikong paaralan sa lungsod.
“We will show to the country and to the world that this is how a public school looks like… bagong itsura. Ako, produkto ng public school. I know how it feels bilang estudyante ng public education kaya babaguhin natin ang impresyon in terms of facilities and buildings,” sabi ni Moreno .
“Na-stimulate na ang economy, na-adress pa ang perennial problem on lack of classrooms,” dagdag ng alkalde kasabay ng anunsyo nito ng paglalagay ng mga theatre, canteen, audio-visual laboratory, library, at soccer field kung kakayanin.
Sinabi pa ni Moreno na pangarap niya makitang ini-enjoy ng mga estudyante sa pampublikong paaralan kung anumang ang ini-enjoy ng mga estudyante sa pribadong paaralan sa pamamagitan ng transpormasyon ng mga pampublikong paaralan na kapantay ang mga pribadong institusyon.
“Lahat ng meron sa private, ipatitikim natin sa sa mahihirap na nag-aaral sa public para pantay ang level. Naniniwala akong magagaling ang teachers sa public education system,” dagdag pa nito. (ANDI GARCIA)