Advertisers
HINDI na bago sa ating pandinig ang mga balita tungkol sa mga nakakalayang drug convicts.
Ilan daw sa mga dahilan d’yan ay ang kakulangan ng mga government lawyers.
Habang ang ilang namang mga testigo na itinuturo ay hindi sumisipot sa mga pandinig.
Kaya nadi-dismiss sa korte ang mga kasong may kinalaman sa illegal drugs.
Well, marami rin namang dahilan kung bakit nauuwi sa pagkabasura ang mga nasabing kaso.
Ilan daw sa mga iyan ay ang pagpanaw ng mga public prosecutors at public attorneys.
Aba’y dapat din naman sigurong tingnan ang mahinang ebidensya ng prosekusyon kaugnay sa alituntunin sa chain of custody at inventory ng mga nasabat na ipinagbabawal na droga at paraphernalia.
Kabilang mga halimbawa dito ay ang kaso ni Jhon De Chavez ng Pasig City.
Si De Chavez ay inabswelto ng Korte Suprema kamakailan dahil sa sablay na paghawak ng mga awtoridad sa ebidensya laban sa kanya nang madakip ito sa isang buy-bust operation noong 2015.
Sa desisyon ng unang dibisyon ng mataas na hukuman, ipinag-utos nito ang agarang pagpapalaya sa akusado.
Nagkamali raw ang mababang korte nang i-convict nito si De Chavez dahil sa kasong pagbebenta ng ipinagbabawal na droga.
Maliban dito, ayon sa mga mahistrado, sinasabing nagkamali rin ang Court of Appeals (CA) nang katigan nito ang resolusyon ng Pasig RTC.
Natuklasan na walang maayos na inventory, marking, at hindi rin nakuhanan ng larawan ang ebidensya laban kay De Chavez.
At dahil hindi nasunod ang chain of custody sa ebidensya ay nawalan ng integridad at evidentiary value ang nakumpiskang items mula sa akusado.
Ganyan din ang nangyari sa kaso ni Gregorio Villalon Jr. ng Negros Occidental.
Base sa desisyon ni Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ng ikalawang dibisyon ng Supreme Court, binaliktad nito ang naging hatol ng CA sa kaso ng akusado.
Unang naglabas ng desisyon ang lower court bago umabot sa appeals court at SC ang usapin.
Tulad ng nangyari sa kaso ni De Chavez, nagkaroon din ng lapses ang mga awtoridad at hindi nasunod ang chain of custody sa drogang nakumpiska mula kay Villalon noong September 2015 sa Escalante City.
Ang nasabing kapalpakan sa panig ng mga piskal at mga pulis ay hindi raw maituturing na minor o maliit lamang.
Sa totoo lang, hindi lamang ang mga ganyang kapalpakan ang dahilan kaya nababasura ang mga drug cases.
Kahit laliwa’t kanan ang mga isinasampang kaso ng Department of Justice (DOJ), hindi rin naman sapat ang dami ng mga prosecutors para mahawakan ang mga ito.
Para mapabilis ang mga proceedings, dapat magkaroon ng dalawang prosecutors ang bawat judge at ito lamang ang nakikita nating magandang paraan para mabilis na mareresolba ang mga drug cases sa mga korte sa bansa.
* * *
AT para naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!