Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
HINDI nakaligtas sa pamba-bash ng ilang netizens sina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez kasama na ang dalawa nilang anak na sina Atasha at Andres kaugnay umano ng special treatment na natanggap nila sa pagbabakuna sa kanilang barangay.
Nagpalitrato kasi ang mag-anak pagkatapos na makatanggap ng bakuna sa Muntinlupa na mabilis na nag-circulate online.
Kinukuwestiyon ng ilang netizens kung nasa priority list daw ba ang mag-anak.
Kaugnay nito, nagbigay naman ng pahayag si DILG Undersecretary Jonathan Malaya na naghihintay sila ng paliwanag sa Muntinlupa City government kung bakit nabakunahan agad ang pamilya ni Aga.
Sey niya, baka raw naman kasama sila sa persons with comorbidities.
Hirit naman ng ilang naninilip, ginamit daw ng mag-anak ang impluwensiya nila bilang mga artista kaya nabigyan sila ng special treatment o prayoridad sa bakuna.
Ayon naman sa Muntinlupa City Information Office chief Teresita “Tez” V. Navarro, walang nilabag na guidelines sa pagbabakuna ang mga Muhlach.
May medical certificates daw ang mga ito mula sa pribadong doctor at kasama sila sa A3 category kaya kuwalipikado silang magpabakuna.
May mga nagtanggol naman sa mag-anak at sinabing huwag husgahan agad-agad dahil wala namang totoong nakakaalam sa medical condition ng mga ito.
Anila, marami raw namang mamamayan ang ayaw pang magpakuna kaya dapat lang na ibigay na lamang ito sa mga willing na tumanggap ng bakuna.