Advertisers
UMAGA noong nakaraang Sabado(Mayo 22,2021), isang di inaasahan ang naranasan ng korner na ito sa may panulukan ng EDSA at Rotonda sa Pasay.
Patungo ang Uppercut sa isang coverage sa Intramuros. Sasaglit muna sana sa drugstore para bumili ng eyedrop sa may LRT Station bago mag taxi (di pa pwede mag-drive dahil sa irritated left eye).
Tindi ng sikat ng araw sa may sidewalk kaya tinanggal ko muna ang faceshield ko para isuot ang dark eyeglass.
Sa sandaling iyon, napansin kong maraming nakapila sa harapan ng MetroPoint eh di naman iyon bus stop at di naman hintuan ng jeep. May operation din naman ang LRT.
Sa pagtingin kong iyon sa mistulang pinipilahang blockbuster na pelikula ay may nakaparadang police car na SWAT ang nakatatak sa puting van. Parang may nangyaring krimen dahil sinenyasan rin ako ng isang full -battle- geared na otoridad.
“Pila ka!” sabi sa akin ng isang kasama nilang parak na may dalang mahaba.
Bakit ano ito?”,takang sagot ng inyong kakorner. “Wala nang tanong- tanong pila ka para matiketan ka. Wala kang face shield!” sagot nito na parang me ginawa akong malaking kasalanan.
“Meron akong face shield heto oh!” hawak ko ang malinaw na plastik na kober sa mukha na kakatanggal ko lang para ilapat ang aking dark shades.. Ipinakita ko ang aking namumulang mata sa tatlo na silang nakapaligid sa akin
Sabi ng astang feeling superyor sa sibilyan, lahat ng naka-pila diyan, me kanya-kanyang alibi aniya kaya halos itulak ako para pumila.
Sa sandaling iyon ay nagpakilala na ako na taga-media, may legit na coverage at dadaan lang ako sa drug store para sa eyedrop ko na lalong nagpayabang sa kaharap kong parak.
“Sa media ka pala dapat ay alam mo ang bawal!”, pamimilosopo na ng isa habang pinagpyestahang kinukunan ng litrato sa kanyang CP ang aking PRESS ID. “Walang MEDIA-MEDIA basta may violation! Pumila ka!” dagdag pa ng angas na alagad ng batas.
Katwiran ko sa kanila, wala akong violation, dahil meron akong faceshield at nagkataong nagsuot lang ako ng eyeglass.
Pero astig ang mamang pulis, umalis ito sa eksena dala ang ID ko ng dapat ay magalang na unipormadong otoridad, di ko nakuha ang pangalan niya sa may chest dahil nakatakip ng parang scarf (malapad na panyong nakabalabal sa leeg). Nilapitan ko iyong isang medyo pino na pulis at tinatanong ko kung sinong OIC nila sa oras na iyon.
Inginuso niya yung nakatayo sa may SWAT van kaya pinuntahan ko at kita kong hawak pa niya ang PRESS ID ng inyong ka-Uppercut.
Sinabi kong wala akong violation. Pinunto ko ring pare-pareho namang may tungkuling ginagampanan bilang frontliner in our own rights habang napatingin ako sa dami na ng nakapila na di ko alam kung sinasadyang patagalin para hiyain ang mga nahuli nila na nasa nakahihiyang mistulang mga kriminal na pinapipila sa ‘operation bakal’ eh face mask at faceshield lang ang violation.Parang noong nakaraang administrasyon kung paano pahiyain ang mga jaywalkers kakomplut ang ilang drivers na ibababa sa alanganin ang pasahero..presto huli ka!Tiyak na pera dahil sa multa.
Matalim ang tingin sa akin ng superyor habang inaabot ang aking ID. “Marunong ka palang makiusap eh!” singhal ni officer. Napailing na lang ang inyong kakorner.
Hindi ganitong klaseng otoridad o law enforcers ang pinagtatagal pa sa puwesto ng ating Pangulo.
Dahil atrasado na sa coverage ay lumarga na ako pero naiisip ko pa rin ang estilo ng mga natokang otoridad sa pangyayaring iyon.
Sa halip na pagsabihan o gabayan ay pinerwisyo nila sa oras ang nahuhuli nila sa pain, bukod sa pagkapahiya ang mga taong puwede namang warningan sa kanilang violation at kung totoo nga ang tiket ay tiketan agad at paalisin na sa pila na wala ring social distancing.
Ang siste pa, ang mga humuhuli ay wala ring face shield at mistulang nasa war zone pa na ang hahaba ng dala. Iyon ba ang pananakot sa anila ay matitigas ang ulo o walang disiplina? Gayong sila mismo ay di tumutupad ng protocol. Excempted ba sila?
Kayong mga ilang maaangas na law enforcers, di kayo kukunsintihin ng bagong talagang PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar. Ayaw niya ng mga palalong pulis na dapat ay lingkod- bayan lalo pa’t ang kanilang suweldo ay galing sa sambayanan.
Dapat ay angkop din ang kanilang kustombre sa MEDIA. Iyong mga maangas kasi ay parang achievement nila ang singhalan ang mga mamamahayag at proud pa silang sabihing walang kortesiya at ‘alang MEDIA-MEDIA para sa kanila.Kung may nagpapanggap man ay ga- buhok lng iyan sa hanay ng mga tunay. Respeto lng dapat para sa lahat.
Marapat lang na maibalik ng mga men and women in uniform ang dating mahusay na pakikitungo sa ating hanay na kabilang sa FOURTH ESTATE.
Obligasyon kong iparating sa kinauukulan ang anumang kabalbalan.
Tiyak namang malalaman kung sino ang mga naka-assign noong Sabado ng umaga sa Edsa Rotonda
Paging PNP Chief Eleazar Sir at NPC Pres. Paul Gutierrez Sir!