Advertisers
Ni NICK LANGIT
ANG pagkabigo ni Rabiya Mateo na maiuwi ang korona ng Miss Universe (MU) nitong Lunes lamang ay napapanahong paksa sa aking pagbabalik. Isang aral ito hindi lamang sa kanya kundi maging sa pangasiwaan ng bagong organisasyong humahawak na sa Binibining Pilipinas (BP).
Bakit siya natalo?
Tignan natin ang araw, buwan, at ang mga planeta’t konstelasyon.
Ang araw ay nasa Taurus. Dahil saklaw nito ang tahanan at kaperahan, naramdaman ni Rabiya ang matinding presyon na mapanalunan ang korona para sa bansa at para sa kanyang kinabukasan.
Isa siyang Scorpio Rat. Gagawin niya ang lahat, makuha lang ang gusto. Maabilidad kasi siya, mahilig sa mabilisan, at malihim ang pagkatao. Kaya nga, naging usap-usapan sa socmed ang mga biglaaang pagbabago raw niya sa kanyang mukha at katawan.
Dapat kasundong-kasundo niya ang taon ng Ox. Pero, bakit nga ba siya natalo?
Nitong Lunes, ang buwan ay nasa Cancer. Apektado ang kanyang emosyon at hangaring makauwi na sa pamilya. Dahil nga magkasalungat ang kanyang kalooban sa inaasahan sa kanya, hindi na nagtutugma ang isipan sa pagkilos.
Ang Mars conjunct at Neptune trine ang nagbigay sa kanya ng tapang kahit hirap at pagod na siya. Kaya napabalita pa nga na may pagdugo noong kinarga niya ang kanyang kasuotang asul at pula. Kasabay nito ang paglakbay ng kanyang kaisipan sa mundo ng ilusyon, kaya tila pakiramdam na niya ang pagkapanalo.
Ang problema ay nakasalungat sa buwan at retrograde (Rx) ang Pluto na siyang ruling planet niya. Hindi angkop ang kulay dilaw sa mga epekto ng pagsasama ng mga planetang ito. Kaya haharapin niya ang katotohanan na hindi para sa kanya ang korona, isang aral ng asteroid Chiron sa Aries. Masakit niya itong tatanggapin at ikukubli pa niya ang totoong damdamin, dulot ng Lilith, para maiwasan ang kahihiyan.
Ang bagong nahirang na MU na si Andrea Meza ay isang Leo Dog. Bagama’t hindi talaga niya kasundo ang taon, at may mga tutuligsa pa nga dahil sa mga mauungkat tungkol sa kanyang pagkatao ngayong may Pluto Rx pa, nanaig naman noong Lunes ang pagiging angkop ng zodiac sign niya sa ibang mga planeta. Kaya, siya ang nanalo.
Kung tutuusin, naunahan si Rabiya ng pagiging matabil niya, dahil nga mataas ang pangarap at hindi malalim ang pang-unawa. Nagpahayag siya ng saloobin laban sa pamahalaan na marahil ay tulak lamang ng mga nasa kapaligiran niya. Halimbawa, ang nagdadamit at nagme-makeup sa kanya ay maaaring ginagamit lang siya, para sa kanilang mga paniniwala, o kaya’y sumasangayon na lamang siya dahil wala siyang pagpipilian.
Ang problema ay ito.
Dahil nga pinili niya ang kaisipang dilaw, tuwang tuwa sa kanya ang mga ito, pero hindi niya inalintana ang puwersa ng mas nakararaming hindi dilaw na nakatulong sana sa online influence para sa kanya ngayong Age of Aquarius.
Dahil natalo siya, nabulatlat tuloy ang ipinagtutulakan ng mga dilaw. Dalawa ang maaaring mangyari ngayon.
Isa, gagamitin pa rin siya sa layunin ng kababaihan na maaaring isulong ng pangasiwaan ng BP, dahil may tungkuling nakaakibat sa pangangatawan niya sa bansa hanggang sa makapili ng bagong papalit sa kanya. Papasok dito ang mga mananamantala sa kanyang hangarin muli para sa kanyang kinabukasan. Kadalasan, hangad kasi ng Rat ang kaperahan.
Ikalawa, hindi na siya mahalaga, dahil hindi niya maisusulong ang hangarin ng mga dilaw laban sa pamahalaan ngayong nalalapit na ang eleksyon.
Mabuti na ring hindi siya kinatigan ng mga laban sa dilaw.
Kung nagkataon palang hindi niya tinuligsa ang pamahalaan, at ngayon ngang natalo na siya, gagamitin ito ng mga dilaw para kutyain ang pamahalaan, gayong wala naman talagang pakialam sa kanya ito.
Kung meron mang mga dilaw na sumuporta o tumulong sa kanyang paghahanda ay biglang babaligtad ang mga ito. Lalabanan nila siya na mahirap nilang gagawin, dahil nga sumuporta at tumulong sila. Mawawalan sila ng kredibilidad. Tatahimik na lamang sila o kaya’y ibabaling sa kanya ang sisi, kaya siya natalo. Katangian kasi ng dilaw – kung hindi ka kaisa, kalaban ka.
Naganap na.
Hindi maipagkakailang may karmang umiiral. Ang hindi magandang kaisipan ay may balik, lalo pa’t kung sakaling nagpagamit lamang siya.
Hindi rin maipagkakailang hindi talaga para sa kanya ang korona.
Para sa iba pang talakayan hinggil sa saykismo, panoorin lang ang Nickstradamus channel sa YouTube.
Light Love and Life, Namaste!