Advertisers

Advertisers

Walang tulong

0 789

Advertisers

MASAKLAP ang kapalaran ni Rodrigo Duterte. Sa gitna ng unos na inabot niya tungkol sa pagkamkam ng Tsina sa ating teritoryo sa West Philippine Sea, walang kasapi ng Gabinet ang may gustong tumulong sa kanya. Maliban kay Harry Roque at Savador Panelo, mga mahinang klase na abogado, hindi siya dinamayan ng ibang kalihim ng kanyang Gabinet. Nasaan ba si Liling Briones, Arturo Tugade, William Dar, Cesar Cimatu, at iba pa?

Nagsalita minsan si Tito Sotto at Koko Pimentel, ngunit pawang hilaw ang kanilang sinabi sa publiko. Hindi na sila nagsalita sa takot na matatakan na “taksil sa bayan.” Walang nangahas magsalita sa Kamara de Representante. Hindi kumikibo si Ispiker Lord Allan Velasco. Teknikal sa kanya ang usapin ng relasyon ng China at Filipinas. Malamang magkamali siya.

Nagsusumamo si Duterte na daluhan ng mga kasapi ng kanyang Gabinete ngunit nagtetengang kawali ang mga ibang kalihim. Ayaw nila na masali sa masalimuot na usapan. Hinahayaan nila na si Duterte ang matawag na traydor at taksil sa bayan. Ayaw nila na masali dahil takot sila na masira ang kanilang mga pangalan. Hindi bale si Harry at Sal. Dati ng nasira ang akanilang mga pangalan. Walang mawawala sa kanya.



Nag-iisa sa laban si Duterte. Dala niya sa kanyang balikat ang tatak na “taksil sa bayan” at “traydor sa bansa.” Hindi siya sineseryoso at pinagtatawanan. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Sa tyuwing bubuksan ang bibig at magsasalita, ibayong pagtuya at paglibak ang kanyang inaabot. Kawawa si Duterte.

***

HINDI tinutulungan si Duterte sapagkat kahit sa kanyang Gabinete, mahirap ang direksyon na kanyang tinatahak. Malinaw sa mas nakakaraming kasapi ng Gabinete na lubhang makiling si Duterte sa China. Batid nila na alipin si Duterte ng China. Kung tutulong sila, China ang kanilang tinutulungan. Ano ang mangayayari sa bansa?

Sa ganang amin, sinasabotahe si Duterte ng kanyang Gabinete. Hindi namin nakakaligtaan ang ginawa ni Teddy Locsin Jr. Naglabas ng isang opisyal na pahayag noong Biyernes ang DFA na pinamumunuan ni Locsin na ang talumpati ni Duterte noong 2019 sa ika-75 General Assembly ng United Nations ang opisyal na posisyon ng Filipinas tungkol sa relasyon ng dalawang bansa. Kabaligtaran ng kanyang talumpati ang sinabi niya ngayon.

Sa talumpati na binasa sa harap ng online miting ng UN, binigyang diin ni Duterte na kinikilala ng Filipinas ang 2016 desisyon ng Permanent Arbitral Commission ng UNCLOS. Itinatatwa ng desisyon ang teyoryang Nine Dash Line na siyang batayan upang angkinin ng Tsina ang halos buong South China Sea. Baligtad ito sa sinasabi ngayon ni Duterte na inamin na sa tingin niya nasa pag-aari ng China ang West Philippine Sea.



Kung susuriin, mukhang napapasok ni Locsin si Duterte sa isang patibong na hindi maitatwa ngayon ni Duterte. Hindi makaalis si Duterte sa talumpati na mukhang si Locsin ang mismong nagsulat. Hind ngayon makagalaw si Duterte sapagkat naisubo siya sa isang opisyal na posisyon na kumikilala sa desisyon ng UNCLOS. Wala siyang magawa kundi ang magbunganga kay Antonio Carpio at Albert del Rosario na napagbalingan lamang.

***

PAKIBASA ang pahayag ng Akbayan Party List Group.
A LESSON ON PERYA GOVERNANCE
Statement of Akbayan Spokesperson Dr. RJ Naguit on Duterte’s jetski election “joke”

Mr. Rodrigo Duterte’s admission that his jetski election promise was a joke is the ultimate teachable moment. It is a lesson on “perya governance:” elect a clown on a jetski, expect a circus, or in Mr. Dutere’s case, a low-end, squalid, and seedy circus full of incompetent performers.

Going to the 2022 elections, we urge the Filipino electorate to always go back to this juncture to remind ourselves of the danger and foolishness of electing political jesters, swindlers and cowards: “Bumoto ka ng duwag at manloloko, sigurado kang magogoyo.”
*
NAKAKATAKOT ang ilang balita ngayon hinggil sa pandemya. Inamin ng DoH na nakapasok na sa bansa ang Indian variant ng Covid-19. Ito ang dahilan kung nagkakagulo ngayon sa India. Napakarami ng tinamaan at sumabog na ang kanilang health care system.

Hind malinaw sa sambayanan kung may plano ang DoH, kung may contingency plan ang administrasyon ni Duterte. Walang malinaw hanggang ngayon. Umaabot sa halos kalahating milyon kada araw ang tinatamaan ng pandemya. Lampas 4,000 ang namamatay araw-araw. Huwag naman sana mangyari dito.

***

PAKIBASA ang ilang halaw sa post ng aming kaibigan na si Ba Ipe.

“6. Ayon sa teyoryang Nine Dash Line, may batayan sa kasaysayan at batas na pag-aari ng China ang South China Sea. Orihinal itong Ten Dash Line na binuo ng mga Kumintang, ang kaaway ng mga komunista, noong 1947, ngunit nabawasan ng isang dash line upang magmukhang bago sa pananaw ng Partido Komunista na naghahari sa China. Iniharap ito sa United Nations, ngunit walang malinaw na coordinates. Sa maikli, hindi alam kung ano ang mga boundary ng teyoryang ito. Nagsaliksik si Carpio tungkol dito at laking mangha niya ng matuklasan na pawang kathang isip ang binabanggit na batayan ng China sa kasaysayan at batas. Kasama ang datos ng pagsasaliksik ni Carpio sa sakdal na iniharap ng Filipinas sa UNCLOS. Masasabi na ito ang dahilan kung bakit mainit ang ilong ni Duterte kay Carpio. Dahil nakiaalam at tinulungan ni Carpio ang gobyerno ni PNoy, napahamak ang kanyang pinakamamahal na China.

“7. Tumagal ng tatlong taon at kalahati ang pagdinig sa sakdal. Iniharap ng Filipinas ang mga detalye at katibayan na hindi pag-aari ng China ang halos kabuuan ng South China Sea. Iniharap ang mga katibayan na kathang isip ang teyoryang Nine-Dash Line sa Permanent Arbitration Commission na binubuo ng limang katao mula sa iba’t ibang bansa. Pawang mga batikang mahitrado na maalam sa usapin ng karagatan. Sinabi ng China na hindi nila kinikilala ang Commission at opisyal na ipinahayag na hindi sila sasali. Ngunit laking gulat ng delegasyon ng Filipinas na pinangungunahan ni Pilo HIlbay na siyang agent ng bansa dahil siya ang nakaupong solicitor general noon, na nagsusumite ng “white paper” ang China araw-araw sa tuwing may pagdinig ang Commission. Nagsisilbing position paper ang mga isinumite kahit na walang opisyal na karaktyer dahil hindi opisyal na nakilahok ang China. Hindi totoo na hindi sumali ang China sa paglilitis, ayon kay Pilo Hilbay sa isang lecture na dinaluhan ko tungkol sa isyu.

“8. Nanalo ang Filipinas sa sakdal na iniharap ng bansa sa UNCLOS Permanent Arbiration Commission. Matapos ang mahaba-habang paglilitis, ibinaba ang desisyon ng Commission noong ika-12 ng Hulyo, 2016 o dalawang linggo matapos umupo si Duterte at palitan si PNoy sa Malacanang. Hindi totoo ang teyoryang Nine-Dash Line ng China. Hindi pag-aari ng China ang malawak na karagatan. Walang matwid ang China upang kamkamin ang mga bahura (reef) sa West Philippine Sea. Pag-aari ng sangkatauhan ang malaking bahagi ng South China Sea. Mistulang namatayan ng buong pamilya sa lungkot si Perfecto Yasay Jr. nang basahin niya ang desisyon sa telebisyon. Nagbunyi ang buong mundo. Nagdiwang ang buong Filipinas. Ngunit hindi si Duterte at ilang kasapi ng kanyang gobyerno na ang katapatan ay sa China. Hanggang ngayon, hindi kinikilala ni Duterte ang panalo ng Filipinas sa sakdal. Pilit na isinasantabi mapasaya lamang niya ang mga Intsik.”