Advertisers
PABOR ang ilang Metro Manila mayors na panatilihin pa ng isang linggo ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR).
Pahayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, dapat palawigin ng isa pang linggo ang MECQ sa NCR at saka na lamang pag-usapan ulit pagkatapos ng isang linggong extension kung kailangan pang palawigin ang MECQ status sa Metro Manila o hindi.
Sang-ayon din si San Juan City Mayor Francis Zamora na i-extend pa ang MECQ dahil kahit nakakaranas nang pagbaba ng bilang ng coronavirus cases ay nasa lebel pa rin ito na mataas.
Saad pa ni Zamora, sa kanilang lungsod lang ay 61 ang active infections noong Marso, pero lumobo pa ito sa mahigit 1,100 sa peak o kasagsagan ng surge o pagsirit ng virus at bumaba na sa 741 hanggang kahapon.
Ngayong araw, nakatakdang ilabas ng Metro Manila mayors ang kanilang concensus sa irerekomendang quarantine status sa national government. (Josephine Patricio)