Advertisers
BUTATA ang ilang opisyal ng gobyerno na nagbalak pigilan ang pagsulputan ng community pantries nang makatikim ang mga ito ng mga brutal na batikos ng netizens sa social media.
Oo! Natauhan ang mga pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG), at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagpahayag na kailangan kumuha ng permit sa LGU ang organizer ng community pantry, at isinailalim sa pro-filing ang mga organizer dahil nagsasalita raw ito ng nakasisira sa gobyerno.
Subalit sinuway ng LGU ang pahayag ng DILG. Hindi anila pipigilan ang sinumang magtatayo ng community pantry sa kanilang lugar, sa halip ay pinasasalamatan pa nila ang mga nagmamagandang-loob na makatulong sa kanilang mamamayan dahil hindi naman talaga kaya ng LGU na suportahan ang pangangailangan sa araw-araw ng kanilang constituents.
Sabi ng mga batang alkalde sa Metro Manila na sina Vico Sotto ng Pasig City at Isko Moreno ng Manila City, hindi kailangan ng community pantry ng permit to help. Libre anila magtayo ng community pantry kahit saang kanto sa kanilang lungsod.
Pinagalitan din ng Department of Justice ang NTF-ELCAC sa ginawang profiling sa mga organizer ng community pantry partikular Maginhawa sa Quezon City na inorganisa ng aktibistang si Patricia Non.
Nagsalita narin ang pamunuan ng PNP. Hindi raw sila nagsasagawa ng profiling kay Non.
Ang Maginhawa Community Pantry, na nag-inspire sa maraming barangay, negosyante, organisasyon at maging religious groups na maglunsad ng pantry sa kani-kanilang lugar, ay natigil nitong Martes nang puntahan ng tatlong pulis si Non para kunin ang kanyang contact number at tinanong kung anong organisasyon siya. Sa takot ni Non at kanyang volunteers ay sinara nila ang pantry at nagpasaklolo kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
At sa pag-iingay ng netizens na galit na galit sa ginawa ng mga pulis sa Maginhawa Community Pantry ay nataranta ang gobyerno, nagpahayag na hindi sila tutol sa pagsulputan ng pantries at itinanggi ang profiling kay Non at iba pang organizers ng pantries.
Kahapon, dumami pa ang nagtayo ng community pantry sa kani-kanilang barangay. Maging ang ilang opisyal ng Bureau of Fire at LTO sa Metro Manila ay naglagay narin ng pantry sa labas ng kanilang gusali. Pati mga simbahan ay nag-organisa ng pantry sa kanilang compound.
Marami naring naglagay ng community pantry sa mga barangay sa mga bayan sa probinsiya. Karamihan ay magsasaka at mangingisda, ipinamimigay ng libre ang kanilang mga produkto. Galing!!!
Dahil sa paglawak ng community pantries, tulungan ng mamamayan, wala nang magugutom. Mismo!
Ang pagsilang ng community pantry ay bunga ng disperasyon ng taong bayan sa kapabayaan at kakulangan ng pag-aruga ng gobyerno sa mamamayan na higit isang taon nang nagdurusa sa quarantine at mga protokol ng pamahalaan laban sa covid-19.
Ang gobyerno ay nangutang na ng ilang trilyon, may pondong halos 4 trilyon para labanan ang covid pero hindi ito masyadong naramdaman ng maramimg mamamayan, maliban sa pambobola at pagmumura ng “ama” ng bansa.
Wakeup call narin ito para maging wise na tayo sa 2022.
Mabuhay ang mamamayang nagtutulungan. God bless…