Advertisers
MARIING itinanggi nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na kabilang sila sa Viber 500 group na nagbawi uamno ng suporta sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Dismayado umano ang naturang grupo sa pangulo dahil tila binabalewala nito ang isyu sa West Philippine Sea na halos sinasakop na ng China ang mga reefs na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas (EEZ).
Sa panayam kay Sobejana kaniyang sinabi na walang katotohanan na kabilang siya sa nasabing grupo na kinabibilangan ng mga retired generals at active military officers na nagbawi ng suporta sa Pangulong Duterte.
Giit ni Sobejana, solidong nasa likod ng chain of sommand at tapat sa konstitusyon ang pamunuan ang lahat ng miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tuwirang sinabi ni Sobejana na fake news ang kumalat na balita sa social media na may grupo sa militar na tinatawag na Viber Group 500 na nagpaplano ng hindi otorisadong aksyon sa isyung may kinalaman sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ni Sobejana na tiwala ang militar sa diplomatikong paraan ng pamahalaan para resolbahin ang situwasyon sa West Philippine Sea.
Inamin naman ni Sobejana na may mga grupong kumikilos laban sa pamahalaan at nagpapakalat ng fake news para kumbinsihin ang mga mamayan na talikuran ang gobyerno.
“Kasama na yun, may mga interes ang mga grupo na yan, in order to advance their agenda kaya gumagawa sila ng mga ganuong hakbang, but sinisigurado ko na ang hanay ng Armed Forces ay buong-buo, ginagawa namin yung aming mandato at sinusunod namin ang chain of command,” dagdag pa ni Sobejana.
Pinayuhan ng heneral ang publiko na manatiling kalmado at maging mapanuri sa propaganda na ikinakalat ng mga nais magpabagsak sa pamahalaan.
Inihayag ni Sobejana na kasalukuyang iniimbestigahan na ng AFP ang insidente at kanila ng tinutukoy kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon.
Siniguro ng AFP chief na mananagot ang grupo na nasa likod nito kung saan pati siya ay dinamay ng mga ito.