Advertisers
ARESTADO ang isang pulis at tatlo pang lalaki na mga miyembro ng basag-kotse na ‘Liber Paulino Group’ na nag-o-operate sa National Capital Region, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija.
Kinilala ang mga nadakip na sina Allen Alvarado ng Quiricada St., Tondo, Manila; John Fizer Salvador, Juvito Salvador ng Brgy. 29, Tondo; at Police Cpl Mark Edison Quinton ng Manila Police District at taga-Brgy. 1185 Bongavilla St., Tondo.
Ayon sa saksi na nakilalang si Melquiades Silencio, nakita niya kung paano binasag ng apat ang isang kulay puti na Ford Ranger sa Brgy. Cruz na Daan, San Rafael, Bulacan.
Dahil malapit lang sa lugar ang isang detachment ng pulis, agad naharang sa Quarantine Control point sa Brgy. Garlang, San Ildefonso ang isang motorsiklo lulan sina Alvarado at Salvador. Nakatakas naman ang dalawa nilang kasamahanng sina Crismelle Chico at alyas Saddam.
Nakumpiska mula sa mga nadakip ang isang caliber 38 revolver na kargado ng dalawang bala, isang granada at 3 plastic sachet ng shabu.
Dumating sa San Ildefonso Police si Cpl Quinton kasama si Juvito Salvador na nagpakilalang mga pulis MPD.
Sa report, sinabi ng dalawa na kamag-anak nila ang dalawang nakakulong. Hinanap ng mga pulis ang identification card ng dalawa, subali’t nagmadaling umalis ang mga ito lulan ng Ford Everst na may conduction sticker MO79 pero hinabol sila ng mga pulis at naaresto sa bahagi ng San Miguel. (Thony D. Arcenal)