Advertisers
PINAIIMBESTIGAHAN ng tatlong kongresista ang pagkamatay ng curfew violator na si Darren Peñaredondo nang pinag-pumping ito ng 300 beses ng mga pulis bilang parusa sa General Trias, Cavite.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1697 na kanilang inihain, sinabi nina Bayan Muna Representatives Eufemia Cullamat, Carlos Zarate, at Ferdinand Gaite na ang reklamo ng pang-aabuso ng mga pulis laban sa mga lumalabag sa quarantine violators ay hindi na bago.
Kung tutuusin, aniya, sa unang mga buwan ng lockdown noong nakaraang taon, ilang rights groups ang nagpahayag ng kanilang pagkondena laban sa hindi makatarungan na parusang ipinapataw ng mga pulis laban sa quarantine violators.
Kabilang na sa mga reklamong ito ang pagkulong ng mga pulis sa Laguna sa mga nahuling curfew violators sa loob ng kulungan ng aso, at pagpapainit sa mga ito sa tirik na araw sa Parañaque.
Bagama’t ayon sa medical professionals, ang pagkamatay ni Peñaredondo ay dahil sa stroke bunsod ng hypertension, maari namang naging factor dito ang physical activities na ipinagawa sa biktima, ayon sa mga kongresista.
Kaya mahalagang masilip, anila, ng Kongreso ang isyu na ito para madipensahan din ang mga karapatan ng publiko at mapanagot ang mga nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Magugunitang sinibak na sa puwesto ang hepe ng General Trias Police sa Cavite at dalawa pang police officers kasunod ng pagkamatay ni Peñaredondo.(Henry Padilla)