Advertisers
GOING to church doesn’t make you a Christian any more than standing in a garage makes you a car. — Anonymous
PASAKALYE
Sa totoo lang, mahirap na nga iyong nakasuot ka ng face mask at face shield tapos ngayon ay rekomendasyon ba ng ating mahal na vaccine czar na mag-double face mask pa?
E iyong simpleng pagsunod sa mga health protocol ay hindi na nga nagagawa ng ating mga kababayan, paano pa kaya kung mas mahirap na payo ang ipapagawa?
Pero , teka, alam n’yo ban a ang karamihan ng mga lumalabag sa wastong pagsuot ng face mask at face shield ay mga kababaihan?
Mabuhay si Maria Clara . . . !
* * *
SA ating mga Kristiyano, nananampalataya sa Diyos na hindi man natin nakikita at nahahawakan ay nararamdaman natin ang presensya sa ating pamumuhay. Ito ang tunay na pananampalataya dahil hindi natin Siya nakikita at nahahawakan ay naniniwala tayong nandyan ang Panginoon upang tayo ay gabayan at biyayaan bilang mga anak ng Diyos.
Sa puntong, dito natin masasabing dahil ang presensya ng Panginoon ang mahalaga sa ating pananampalataya at buhay, hindi kahunghangan ang maniwalang kahit saan mang lugar tayo manalangin sa Kanya ay diringgin niya kung anuman ang ating hinaing o kahilingan dahil sabi nga sa Banal na Aklat ay ‘omnipresent’, o nasa lahat ng dako, ang ating Dakilang Ama.
Kaya nga nagtataka ang inyong lingkod kung bakit sa gitna ng pandemya ng coronavirus ay pinipilit ng ilan ang pagpunta sa simbahan para manalangin sa Diyos.
At inaayunan naman ito ng mga pari at iba pang opsiyal ng Simbahang Katoliko at hinihiling nga nitong payagan ang kanilang mga parokyano at mananampalataya para dumalaw sa kani-kanilang bahay-sambahan o kapilya at doo’y manalangin sa Ating Panginoon.
Ito nga kaya’y dahil sa pag-aalala o pag-aaruga ng kaparian sa kanilang pinapastol?
May nakapagsabi sa atin nang ibang dahilan (ng mga pari) . . .
Aniya, hindi kaya ang dahilan na hinihimok ng Simbahan ang pamahalaan na luwagan ang pagbabawal sa mga taong nais magsimba ay dahil na rin sa kung hindi pisikal na pupunta ang mananampalataya sa simbahan ay hindi rin sila pisikal na makapagbibigay ng abuloy kaya magiging walang laman ang mga donation box ng iba’t ibang simbahan sa buong kapuluan?
Ito’y naitatanong lang naman namin—at may paraan din naman kaming naisip para hindi mawalan o matihil ang pagpasok ng mga abuloy at donasyon sa simbahan. Ang solusyon dito’y gawin nilang online ito gamit ang g-cash o money transfer para magkaroon ng pondo ang iba’t ibang simbahan sa pagmimintine ng mga ito at pagpapatuloy ng sinasabing ‘charitable works’ ng ating mga pari.
Sabi na nga ba e—kapag gusto ay may paraan at kapag ayaw nama’y may dahilan . . .
Tama po ba?
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!