Advertisers
MAHIRAP labanan ang konsensya higit sa mga taong nabuhay ng may karangalan sa pangalan at pagkatao. Inuuna na hindi mabahiran ng anumang batik o dumi ang pangalan lalo’t kung ang itinanim ang kalinisan ng loob at ang paggawa ng tama ayon sa kabutihang asal. Ang taong lumaki sa tamang gabay ng mga sinaunang Pilipino’y masasabing napakaselan at napakataas ng pagpapahalaga sa pangalan na malinis na minana sa magulang o mga ninuno.
Ayaw madawit sa ano mang masamang gawain ang lahi na nagdadala ng apelyidong talagang tinitingala sa lipunan o kahit sa mga payak na grupo. Ikinamamatay ng mga matanda kung madawit ang anak sa mga ‘di magandang gawain na sangkot ang kaperahan. Hindi kinakaya ang mga paghamak na naririnig, at ang marangal na gawain ang utasin ang sariling buhay sa halip marinig ang mga paglibak sa lahing nalihis ng landas.
Sa kasalukuyan may pagpapahalaga pa ba ang mga tao sa kasalukuyang panahon o’ tila kinalimutan na ang kaugalian sa ngalan ng kasaganahan at yaman?
Sa pagpapatakbo ng pamahalaan makikita ang iba’t-ibang paraan, may galing sa karanasan at kaalaman na natutunan sa pamantasan. Mayroon magaling sa pagpapalakad ng pamahalaang lokal, subalit talagang palpak ang pagpapatakbo ng pambansang pamahalaan.
Hindi pwede ang padaskol-daskol na paraan ng pamamahala at malaking gampanin ang sino man pinuno na humahawak dito. Ang pakikitungo mula sa mga halal ng bayan tulad ng mga mayor, gobernador, kinatawang bayan, senador at ibang mga lider na may iba’t-ibang kaalaman ang dapat isa alang – alang.
Kasama na rin ang mga negosyante at syempre si Mang Juan na siyang pumapasan ng kabuhayan ng bayan sa pagbabayad ng buwis na pinapataw dito. Sa pambansang pamamahala, maraming tukso ang nakaamba tulad ng malalaking halaga ng salapi . At ang masilaw at galawin ito sa pansarling kagalingan ang mataas na kasalanang bayan at ang hindi kaya dalahin ng ano mang konsensya.
Sa pag-iko’t ng panahon ang sobrang pagnananasa sa salapi na ultimo ibenta na ang bayan sa kamay ng dayuhan ang siyang walang kapatawaran na kasalanan sa bayan. Ngunit ang malinis na layunin ng isang bilang lingkod bayan ang mapapanghawakan laban sa tukso. Meron pa ba nito sa kasalukuyang panahon?
Sa tanong sa dulong itaas mukhang pasumpong sumpong lang ang makatagpo ng lider na talagang ang nais ang pagsilbihan si Mang Juan, Aling Marya at ang balana. Masasabi natin na talagang mahirap humanap ng mga lider na ang kapakanang bayan ang inu-una at hindi ang sarili. Ito ang mga lider na inilalatag ang mga alituntunin na dapat sundin upang hindi mapariwara sa pagpapalakad.
At kung may mga pagbabago, ang mas mainan na mga palakad ang siyang idinadagdag o kailangan tangalin sa pagpapahusay ng serbisyo. Walang iniisip na kung sino ang dapat pumalit dito, lalo na ang mga malalapit na kalahi upang maiwasan ang maging sugapa sa pwestong pansamantala inatang ng bayan. Malinaw sa sarili ng mahusay na lingkod bayan na hindi pangmatagalan ang paninilbihan.
Sa mga kasalukuyang mga namumuno, tila bilang sa daliri ang masasabi natin na ang kalidad ng liderato’y magamit sa hinaharap. Sa mga lider na ito, masisilip mo ang kagalingan nito sa mga paglalatag ng mga programang bayan na hindi kailangan ng maraming rekositos. Payak ang mga paraan ng programa na talagang dama ng mamamayan na naka akma sa kanilang pangangailangan.
Hindi kumakapa, at walang media na kasama upang ipakita ang mga ginagawa, serbisyo ang una at hindi ang pagnanais na muling maluklok sa pwestong kinagigiliwan. Walang pagbabago sa galaw nito mula ng maupo hangang sa kasalukuyang pamamahala. Una ang konsensya hindi ang kita at parang matanda noong una.
Wala mang pangalan na binabanggit ngunit talagang mainam ito maglatag ng programang bayan na kinagugulat ng bayan at ng mundo. Hindi nababahiran ng anumang masamang pagtingin ang bayan sa lider na ito, ngunit hindi pa panahon na isabak ito sa halalan dahil siya’y may kabataan.
Ang kalinisan ng konsenya’y mukhang hindi pa makikita sa darating na panahon kung sisilipin ang mga uri ng mga lider na nagpapakita ng layon sa pagtakbo sa halalan pambansa. Walang konsensya ang bawat galaw na nais makita ng bayan.
Ginamit pa ang kalagayan ng pandemya sa bansa upang magpapogi at ipakita na maaasahan ito lalo sa ganitong panahon. Ngunit alam ni Mang Juan kung paano umabot sa ganitong kalagayan ang bayan. Sa kawalan ng balangkas sa krisis na kinakaharap naging napakahirap kay Mang Juan ang sitwasyon, walang makain sa kawalan ng trabaho.
At sa nag-aasam sa panguluhan, akala nila’y sapat na ang pogi points at kung bolahin ang bayan akala mo’y hindi sila ang puno’t-dulo ng mga kakulangan. Hindi lang iyon, may utang na loob pa si Mang Juan.
Ngunit hindi dito nagtatapos bagkus nagsisimula pa lang dito ang laban. Hintayin ang malapit ng magpasya, ang inaasahan ng bansa na walang pasanin at ambisyon sa pwesto ng pinagnanaisan ng mga nasa kadiliman. Hindi makakayanang tanggihan ang pagnanais ng mamamayan na pangunahan ang pag-aayos ng bayan na nasadlak sa hirap.
Nakita na ni Mang Juan ang diskarte nito, walang zarzuelang kailan, alam ang tamang oras ng pagpapasya. Di’ man tuwirang pumapayag sa halalang pambansa subalit makikita sa galaw ng katawan na handa ito sa bakbakan. At sa buong suporta ng democratic warriors handa itong tumindig sa bakbakan ng konsensya kontra kita…
Kay Mang Juan, Aling Marya at balana narito na ang lalaban para sa kalinisan at kaayusan ng bayan… si Busy Leni ang konsensya kontra katiwalan..
Maraming Salamat po!!!
***
dantz_zamora@yahoo.com