Advertisers
POSIBLENG isailalim sa lockdown ang buong lungsod ng Maynila sakaling magpatuloy ang pagtaas ng kaso ng covid-19.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hindi siya mangingimi na i-lockdown ang buong Maynila kapag nagpatuloy ang pagsipa ng covid cases dahil kinakailangan umano itong gawin upang protektahan ang bawat isa.
“Hindi ako mangingimi na isara ang buong Maynila kung kinakailangan,” ani Moreno.
Kinumpirma rin ni Moreno na apat na empleyado ng Manila City Hall ang nagpositibo sa covid-19 subalit hindi umano isasailalim sa lockdown ang City hall subalit pinayuhan ang publiko na mag-online transactions na lang muna.
Aniya, kontrolado naman ng Manila Health Department ang sitwasyon at nagsagawa na ng contact tracing para mapigilan pa ang pagkalat ng sakit.
Mahigpit din ang naging direktiba ng alkalde sa barangay at kapulisan na paigtingin ang pagpapatupad ng health protocols.
Nabatid na binigyan ni Moreno ng kapangyarihan ang Manila Barangay Bureau na magdeklara ng localized lockdowns sa mga lugar na may mataas na kaso ng covid-19.
Iaanunsyo ang pagpapatupad ng localized lockdown dalawang araw bago ang nakatakdang lockdown sa lugar. (Jonah Mallari)