Utos ng DILG sa LGUs at PNP sa pagtaas uli ng Covid-19 cases: ‘HIGPITAN PAGPATUPAD SA HEALTH PROTOCOLS AT CURFEW!’
Advertisers
INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na mahigpit na ipatupad ang health protocols sa lahat ng barangays para mapigilan ang muling paglaganap ng coronavirus disease kungsaan mahigit na naman sa 3,000 kaso ang naitatala kada araw sa nakalipas na tatlong araw.
Binigyan ng direktiba ni DILG Officer-in-Charge Bernardo C. Florece, Jr. si Joint Task Force Shield Commander Police LtGen Cesar Hawthorne Binag na dagdagan ang police deployment at mahigpit na ipatupad ang minimum public health standards sa Pasay, Malabon, Navotas, Cebu City at Cebu Province, na nakapagtala ng mataas na bilang ng kaso ng covid-19 sa nakalipas na mga araw.
“Naging kampante ang ating LGUs maging ang PNP sa enforcement ng ating mga minimum health standards kaya’t inaatasan ko ang ating local officials kasama ang mga barangay at pulisya na puspusang ipatupad ang basic health protocols sa lahat ng barangay sa ating bansa,” sabi ni Florece.
Ayon sa DILG OIC, ang pagsuot ng face masks at face shields at physical distancing ay dapat mahigpit na ipatupad sa lahat ng LGUs, at ang mga lumabag ay dapat pagmultahin base sa umiiral na mga ordinansa. Aniya, ang pagkuha ng temperatura at pag-fill up sa contact tracing form ng bawat isa ay kailangan sa lahat ng establishments at pinapasukang trabaho.
Inatasan din ni Florece ang PNP na mahigpit na ipatupad ang curfews ng LGUs sa ilang lugar mula 10:00 pm – 5:00am. “Violators should be fined or otherwise penalized for violating all health protocols,” dagdag nya.
“Isang taon na tayong nakalockdown kaya dapat memorize na natin ito. Gawin na nating bahagi ng araw-araw na pamumuhay natin ang pagsunod sa basic health protocols para hindi na tumaas pa ang mga kaso,” diin ng opisyal.
Base sa pinakahuling case bulletin ng Department of Health, ang bilang ng active cases sa buong bansa ay 3,045 noong Friday, 3,439 noong Sabado, at 3,276 noong Linggo. Ang bilang ng kaso sa National Capital Region, Region 7 at Calabarzon ay umabot sa 1,533, 491, at 341, ayon sa pagkakasunod nitong Linggo.
“Kailangang patawan ng kaukulang sanctions ng mga LGUs ang mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa health protocols. Ang pagsuway at pagkakamali ng iilan ay katumbas ng mas maraming kaso,” diin ng DILG OIC.