Advertisers

Advertisers

WALANG DUDA: BONGBONG MARCOS TALUNAN – VP LENI

0 263

Advertisers

TALO na nga, pero patuloy pa rin sa panloloko si Bongbong Marcos.
Matapos pagtibayin ng Presidential Electoral Tribunal ang pagkapanalo ng kaniyang katunggali na si Vice President Leni Robredo noong 2016 elections, patuloy parin ang pagpapakalat ng kampo ni Marcos ng kasinungalingan. Palabas nila, bahagi lamang ng kaniyang election protest ang dinesisyunan ng korte.
Pero mismong Korte Suprema, na tumatayo bilang PET, ang kumitil sa pagpupumilit ni Marcos. Sa parehong araw, naglabas ito ng updated briefer upang idiin na buong protesta ni Marcos ang ibinabasura nito.
Para kay VP Robredo, makasarili ang ginagawang pagpilipit ni Marcos sa katotohanan, dahil pagyurak ito ‘di lamang sa kredibilidad ng kaniyang pagkapanalo, kundi pati sa mga institusyon ng pamahalaan. Binigyang-diin niya na nagkaisa sa pagbasura ng election protest ang 15 justices ng Korte Suprema, taliwas sa pinapalabas ng talunang kandidato.
Ayon sa Bise Presidente, dapat siyang singilin ng mga Pilipinong kaniyang niloloko.
“Panlilinlang lang talaga,” aniya. “Pero hindi lang ito simpleng pagsisinungaling. Nakita natin kung papaano iyong ambisyon ng isang tao. Ambisyon ng isang politiko para lang makuha niya iyong kaniyang inaasam ay sisirain niya talaga iyong mga institusyon. Willing siyang sirain iyong mga institusyon—bahiran ng pagduda ang COMELEC, bahiran ng pagduda ang Supreme Court—para lang makamtan niya iyong kaniyang kagustuhan. Na para bang, para sa akin, walang pakialam. Walang pakialam sa pagsira sa mga democratic institutions para lang sa political gain mo. Tingin ko, ito iyong mas grabe. Iyong mas grabe na wala siyang pakialam.”
Sinusugan ito ng tagapagsalita ng Pangalawang Pangulo na si Atty. Barry Gutierrez, na idiniin na “game over na” para kay Marcos sa panahong ito.
“Nakakadismaya kasi gaya ng sinabi nga ni VP Leni, ang hirap talaga kapag nauuna ang ambisyon sa lahat,” aniya. “Sana pagkatapos nito, maka-move on na tayo eh. Mahilig naman iyong mga Marcos na magsabi ng ‘move on’. Siguro panahon din ito para dinggin nila iyong kanilang madalas na sabihin.”