Advertisers
BUKAS si Vice President Leni Robredo na tumakbo bilang pangulo sa gaganaping eleksyon sa 2022.
Subalit ayon kay VP Leni, mas nais daw nitong bumalik sa lokal na pulitika kung siya ang masusunod.
Sinabi pa ni VP Leni, marami umanong dapat na ihanda bago nito ikonsidera ang pagtakbo bilang pangulo dahil mas madali aniyang magpasya kung sapat ang kanyang mga resources.
“And iyong pagpe-presidente, possible pa rin siya. Possible pa rin. Iyong sinasabi ko lang, siguro kung sufficient iyong resources ko, mas madaling mag-decide for me. Pero hindi, eh. Alam natin na mahirap iyong… mahirap iyong kalaban kasi iyong lahat na resources nasa kanila,” pahayag ni VP Leni.
Matatandaang, bago maging bise presidente, si Robredo ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.
“Mas priority ko ‘yung local… alam kong may obligasyon ako sa national, alam ko na maraming nag hihikayat sa akin. ‘Yung mga kakampi, at least, naghihikayat sa akin mag presidente,” ayon sa pangalawang pangulo.
“So parating ayun pa din ‘yun default. Ang gusto ko sabihin siguro mag de-decide lang ako mag local pag sigurado na ako hindi ako kakandidato sa national,” ani pa nito.
Posible aniyang magpasya si VP Leni sa Setyembre, isang buwan bago ang deadline ng paghahain ng certificate of candidacy para sa 2022 elections sa Oktubre 8.
Samantala, may mga humihimok din aniya sa kanyang panganay na si Aika na pasukin ang pulitika, ngunit hindi raw interesado ang kanyang anak. (Josephine Patricio)