Advertisers
PATULOY na humihiyaw ng hustisya ang pamilya ng traffic officer na si Daniel Manalo na pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin sa Muntinlupa City.
Si Manalo ng Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB) ay binaril sa National Road sa Brgy. Tunasan noong Pebrero 16 ng gabi.
Nasa tapat lang daw ng isang tindahan si Manalo at may kausap sa cellphone nang lapitan ng killer at agad na pinaputukan sa ulo na ikinasawi ng biktima.
Sinasabing matapos ang pamamaril ay pasimpleng naglakad lamang ang gunman palayo sa crime scene.
Isang basyo ng bala ng kalibre .45 baril ang natagpuan ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente.
Hindi malinaw kung may CCTV sa lugar at patuloy itong iniimbestigahan ng pulisya.
Ayon naman kay Public Information Office (PIO) Chief Tez Navarro, naglaan sina City Mayor Jaime Fresnedi at Cong. Ruffy Biazon ng halagang P200,000 bilang pabuya para sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng suspek.
Ibibigay daw ang reward money nina Fresnedi at Biazon para malutas ang kaso.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng gantimpala ay mapapabilis ang pagkakahuli sa responsable sa pagpatay.
Bukod sa pabuya, mariing kinondena ni Fresnedi ang pamamaril kay Manalo.
Nagpahatid din daw ng tulong-pinansiyal at taus-pusong pakikiramay ang alkalde sa pamilya ni Manalo, kasabay ng direktiba sa Muntinlupa PNP na gawin ang lahat para sa agarang ikadarakip ng gunman.
Bago ang pagpatay, isa raw si Manalo sa mga nanguna sa pagpapatupad ng mahigpit na road clearing operations sa nasabing lungsod.
Ang kaliwa’t kanang operasyon ay may kinalaman sa Department of Interior and Local Government (DILG) order na nag-aatas na tanggalin ang lahat ng road-side obstructions at hulihin ang mga pedicab, traysikel, at katulad na mga sasakyan na dumadaan sa national highway.
Samantala, umaasa naman si Fresnedi na makakamtan ng pamilya ni Manalo sa lalong madaling panahon ang minimithing katarungan sa sinapit ng kanilang haligi ng tahanan.
Kung may nalalaman po kayong impormasyon ukol sa pagkakakilanlan o kinaroroonan ng gunman, mangyaring tumawag o makipag-ugnayan sa Muntinlupa City Police Station sa Cellphone No. 0998-9674531.
***
PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!