Advertisers

Advertisers

John Yap out, Sandra in!

0 1,643

Advertisers

PINATALSIK na ang pusakal na si alias John Yap at ang katiwala nitong si Alvaran alias Jun Moriones bilang mga operator ng kalakalan ng droga at jueteng sa lalawigan ng Cavite.

Iniluklok naman sa tronong binakante nina Yap at Moriones ang magkasosyong Aleng Sandra at alias Marasigan na kilala ding drug at gambling lord sa Sto Tomas City, Batangas.

Umpisa noong February 16, 2021 ay nag-umpisa ang operasyon ng Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng nina Marasigan. Bukod sa paggamit ng pangalan ni alias Sandra ay nagpapakilala ding trusted man si Marasigan ni Sto Tomas City Mayor Edna Padilla-vda de Sanchez, na maybahay ng namayapang Batangas Gov. Arman Sanchez.



Maraming pang mga bigating pangalan ng administrasyong Duterte ang ginagasgas ni Marasigan kung kayat napasok na nito ang drug at illegal gambling trade sa kabuuang 23 siyudad at munisipalidad sa naturang lalawigan na nasa ilalim ng pamamahala ni Governor Junvic Remulla.

Pinakamatinding pangalan na pinalulutang ni Marasigan na protektor nito sa kanyang full-blast jueteng at drug pushing trades ay si alias Sandra na tinatagurian ding “iron lady” dahil sa dati ay matigas na paninindgan nito laban sa operasyon ng iligal na pasugal lalo na nga ng jueteng sa buong bansa.

Hindi natin masukat maisip kung paanong napapaniwala ni Marasigan sina PNP Region 4-A director, PBG Felipe Natividad at Cavite PNP director, P/Col. Marlon Santos na bata-bata siya (Marasigan) ni alias Sandra at dahil nga sa taglay na astig ng naturang ale maging kay dating PNP Chief na ngayon ay Senador Bato, ay tila tulad ng aso na nabahag ang buntot nina heneral at kernel at naging sunod-sunuran ang mga ito sa kabalbalan ni Marasigan sa Cavite.

May bendisyon din si alias Menong, ang nagpapakilalang “bagman” ni Gov. Remulla, kung kayat nasipa sina Yap at Moriones na naging daan naman sa pamamayagpag nga ni Marasigan.

Tulad ng dati, sinimulan ang operasyon ng pa-jueteng ni Marasigan sa Cavite City at Gen. Trias City kung saan naglagay ng mga rebisahan ng taya sa PnB cum jueteng at bentahan ng shabu.



Nagtataka ang inyong lingkod kung bakit hindi pa nakukuntento ang mga gambling lords sa Cavite sa pagpapatakbo ng kanilang iligal na pasugal ay hinahaluan pa ng mga ito ng pagbebenta ng shabu?

Dahil nga sa ang mga kabo at kubrador ng jueteng ay kabilang sa kinikilalang vulnerable sector ng lipunang Pinoy at lugmok sa kahirapan ng buhay, ay napipilitan ang mga itong sagpangin ang pain ng tulad ni Marasigan.

Kaya’t habang nagpapakubra ng taya sa jueteng si Marasigan ay hinahaluan pa nito ng mas salot at ipinagbabawal ng batas na pagbebenta ng droga at shabu.

Kaya ang pulisya na pimumunuan nina Gen. Natividad, Col. Santos, at pamahalaang lalawigan ng Cavite sa ilalim ni Gov. Remulla ang nararapat na manguna sa kampanya ng pamahalaan laban sa kalakalan ng droga lalo pa nga at ginagamit na kanlungan ang pagpapatakbo ng jueteng para sa nagpapaubayang biktima (willing victims) ng mga mamamayan ng Cavite.

Kapag patuloy na pinaporma ni Gov. Remulla si alias Menong na magamit ang pangalan ng gobenador sa pakikipagkutsabahan kay alias Marasigan ay di na tayo magtataka na lalo pang maging santuaryo ng mga drug pusher ang lalawigan ng Cavite.

Kailangan namang maghunus-dili ni alias Sandra habang may panahon pa itong putulin ang kanyang kawing kay alias Marasigan kung talagang meron man.

Nagtataka rin ang inyong lingkod kung bakit namamayagpag pa ang operasyon ng jueteng at bentahan ng droga ni John Yap sa lalawagan Rizal gayong sinibak na pala ito sa lalawigan ng Cavite.

Malinaw ang panawagan ng mga taga Rizal kina Senador Lawrence “Bong” T. Go na siya ring Presidential Special Assistant ni Pangulong Rodrigo R. Duterte at kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año para sugpuin ang operasyon ng jueteng at bentahan ng shabu sa Antipolo City at sa 13 munipalidad ng nasabing lalawigan.

Naging kasukdulan pa nga ang panawagan ng nagpakilalang mga Kagawad ng nasabing lalawigan na pakasuhan nina Go at Año si Rizal Gov. Rebecca “Nini” Ynares dahil sa hinalang pagpapabaya at kabiguan ng gobernador na umaksyon laban kina John Yap, Jun Moriones at retired police officer alias Abion.

Ang tatlo na pawang pasimuno sa malawakang operasyon ng sugal at kalakalan ng droga sa Antipolo City, Cainta, Taytay at iba pang mga bayan ng nabanggit na lalawigan.

Huwag na sanang hintayin pa ni Cavite Gov. Remulla na mag-aklas laban sa kanya ang kanyang mamamayan at matulad siya sa Rizal na nag-aalma na ang mga constituents dahil naman sa kawalanghiyaan ng isang alias Menong.

Kailangang sa madaling panahon ay maputol na ni Gov. Remulla ang kutsabahan nina Menong at Marasigan sa pagpapatakbo pagpapatakbo ng drug/gambling ring sa nasabing lalawigan. Abangan natin ang kanilang aksyon vs. drug at gambling sa Cavite at Rizal?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.