Bong Go: Serbisyong medikal dalhin sa mga liblib na lugar; snake bite center ipinatatayo sa Bukidnon
Advertisers
IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na dapat maihatid ang serbisyong medikal sa mga liblib na lugar kasabay ng pagsasabing nakipag-ugnayan siya kay Department of Health Secretary Francisco Duque III para sa posibleng pagtatayo ng snake bite center sa Bukidnon matapos itong hilingin ng mga residente.
Sa panayam matapos niyang personal na pangunahan ang distribusyon ng ayuda sa mga residenteng Lumad sa Kibawe, Bukidnon noong Martes, sinabi ni Go na ikinokonsidera na ng pamahalaan ang paglalagay ng snake bite center sa probinsiya.
Ito’y makaraang ikuwento ng mga residente na kinakailangan pang ibiyahe patungong Cagayan de Oro City na masyadong napakalayo para lang magamot ang mga natutuklaw ng ahas sa nasabing lugar.
“Nakausap ko kagabi si Secretary Duque at pag-aaralan nila ang posibilidad na maglagay ng snake bite center,” sabi ni Go.
Sinabi ng senador na siya mismo ay personal na nakahandang magbigay ng karagdagang tulong sa mga residente.
“Alam n’yo, mahirap ang snake bite kasi malayo ‘yung Cagayan (de Oro) at Malaybalay. Kailangan pa ito i-transfer,” aniya.
“May snake bite na medyo poisonous, critical ang oras na binibilang, so ngayon kung kailangan… handa po ako tumulong,” dagdag niya.
May mga ulat na marami nang nabiktima ng pag-atake ng ahas sa Mindanao.
Noong 2019, ikinaalarma rin na maraming king cobra ang pinapatay sa bansa, partikular sa Bukidnon, ayon sa Philippine Center for Terrestrial and Aquatic Research, bilang ganti ng mga tao.
Nito lang nakaraang buwan, isang sanggol ang iniulat na namatay sa San Isidro, Davao del Norte matapos matuklaw ng ahas. Noong 2020, isa ring 4-anyos na babae sa Barangay Malagos, Baguio District, Davao City ang namatay sa kagat ng cobra.
May magsasaka rin sa Davao del Sur na namatay noong 2019 sa tuklaw ng ahas habang gumagawa sa bukid.
Habang hinihintay pa ang pagtatayo ng snake bite centers, hinimok ni Go ang mga residente na humingi ng tulong ang mga nangangailangan ng medikal na atensyon sa Malasakit Centers sa Northern Mindanao Medical Center at sa JR Borja General Hospital, kapwa nasa Cagayan de Oro City.
“May Malasakit Center naman tayo sa Cagayan, dalawa yan. Maglalagay din tayo sa Bukidnon at dagdag sa Davao din po. Sasaluhin po namin kayo kung kailangan kayo ma-admit,” paniniyak ni Go. (PFT Team)