Advertisers
BATAY sa batas na lumikha sa Office of the Ombudsman (OMB) – na ginawang constitutional body tulad ng Commission on Elections, Commission of Audit, Supreme Court at iba pa, ito ay may tungkulin na maging kamay at armas ng estado laban sa katiwalian at kamalian.
Kaya ang ibang tawag sa Ombudsman ay TanodBayan, at sa simpleng kahulugan, ang tanod ay tagabantay, tagapangalaga, at tagausig din laban sa mga walanghiya.
Sa batas, binigyan ng kapangyarihan ang OMB ng fixed term o tungkuling hindi maaaring tinagin o buwagin, maliban sa impeachment sa katwirang ang opisinang ito ay hindi maging bata o tauhan ng kung sinomang may mataas na katungkulan, kasama na rito ang Pangulo ng bansa.
Ang kalasag pa nito ay ang kapangyarihang mang-usig, magpakulong, magsampa ng kaso at magsuspinde sa mga taong gobyerno na makikita ng OMB na lumabag sa ating batas.
At maaaring hingin ng OMB ang kooperasyon ng iba-ibang kagawaran ng pamahalaan, tulad ng DILG, DoJ at mga ahensiyang tulad ng NBI, PNP at mga taong awtorisado nito para ipatupad ang kanilang utos.
Tanging ang Supreme Court lamang ang pwedeng mangibabaw sa desisyon ng OMB kung sa palagay ng nahatulan ay may pagkakamali ito.
Nilikha nga ang OMB para sa proteksiyon ng bayan.
Nilikha ito para maging tagapagtanggol ng bayan.
Hindi ito nilikha para maging taguan o kakampi ng mga mandarambong at mga bulok na opisyal ng bayan.
Ito ay nilikha upang maglingkod sa bayan at hindi ang maglingkod sa may kapangyarihan.
Sana ang mga tungkuling ito ay maibigay ng tapat ng Ombudsman.
Kungdi, baka ang mangyari, at sana ay ‘wag mangyari, ay maulit ang nakaraan, maging kakampi ito ng mga tiwali at mga mandarambong.
‘Wag sanang mangyari ang sinasabi ng marami: baka kung sila ay mabigo sa batas, “bala” ang sa mga walanghiya ang umutas.
***
Pinuri ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ang magagaling na lalaki at babae ng Bureau of Customs (BoC) sa patuloy na pakikiisa sa ipinatutupad niyang programa at reporma sa Aduana.
Kasunod nito, hiniling niya sa kanyang mga kritiko na tumigil sa ginagawang paghadlang sa mga ginagawa niya upang malinis ang reputasyon ng BoC na itinturing na isa sa pinakakorap na ahensiya ng pamahalaan.
Hinikayat ni Guerrero ang lahat ng opisyal at mga kawani ng BoC na ipagpatuloy ang pagtawid sa maayos at mahusay na paglilingkod sa bayan na sinimulang ilatag noon pa man ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“IIsa lamang po ang ating bansa, at ito ay dapat nating mahalin at pagsikapang mapaunlad… kaya po natutuwa ako sa mga kasama ko sa Customs na pawang matatapat at nagpapatuloy na maglingkod nang mahusay para sa ating bayan, at nagsisikap na mapataas ang koleksiyon natin ngayong taon,’ paliwanag ni Guerrero.
Aniya pa, dapat na maging bahagi ng solusyon at hindi bahagi ng problema ang mga kritiko niya.
Nanawagan siya na “maawa” sa bayan na ngayon ay nangangailangan ng matinong pamamahala at makausad na upang ang Pilipinas ay makaahon sa kahirapan.
Aniya pa, dapat na ang mga opisyal na gumagawa ng katiwalian ay tumigil na at magbago sapagkat ang kasamaan ay hindi naman laging nagtatagumpay at ito ay may laging ganti ng matuwid na hustisya.
Inisa-isa ni Guerrero ang mga programa at reporma niya na ipinatutupad at umaasa siya na ang mga “makabayang opisyal at mga kawani” ay magiging tunay na lingkod ng bayan.
Pinasalamatan din ni Guerrero ang Pangulong Duterte at si Finance Sec. Carlos “Sonny” Dominguez sa patuloy na pagtitiwala sa kanya, at ikinatuwa ang kumpiyansa hanggang ngayon sa kanyang kakayahang pamunuan ang Customs.
Niliwanag ni Guerrero, na ang bayan ay matagal nang naiinip na makita ang BoC na isa sa mapagkakatiwalaang kawanihan na hindi lamang magbibigay ng malaking ambag sa koleksiyon ng buwis kungdi makikilala ang mga opisyal at mga kawani nito na mararangal at kapuri-puring lingkod ng mamamayang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.