Advertisers

Advertisers

Walang malasakit ang pamahalaan sa mga matatanda

0 319

Advertisers

MATATANDA ang Filipino, o Tagalog, ng senior citizens.

Mas maganda sa pandinig kung ingles kaysa Filipino.

Para sa akin masakit sa tainga ang salitang matanda.



Sa reyalidad, totoong kaawaawa ang mga matatanda sa ating bansa.

Hindi lang masakit, kundi napakasakit ang buhay ng pinakamaraming bilang ng mga matatanda, sapagkat barya ang itinutulong ng pamahalaan sa kanila.

Ang natatanggap ng mga matatanda, o senior citizens, na rehistrado sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay P500 kada buwan.

Dahil nakatatanggap sila kada buwan ng ganyang halaga, hindi isinama ng DSWD ang mga pamilyang mayroong senior citizens sa pamimigay ng P5,000 hanggang P8,000 ayudang pinansiyal na mula sa Social Amelioration Program (SAP).

Kahit ubod nang hirap ng pamilya ng mga matatanda ay nanindigan ang DSWD na hindi sila kasama sa SAP.



Pokaragat na ‘yan!

Initsapuera rin ng DSWD ang senior citizens na may pensiyong natatanggap mula sa Government Service Insurance System (GSIS) na hindi rin naman malaki.

Ganoon din ang karanasan ng mga senior citizen na miyembro ng Social Security System (SSS), samantalang masyadong maliit ang natatanggap ng mga retiradong manggagawa mula sa naturang ahensiya.

Pokaragat na ‘yan.

Ang batayan at argumento ng pamunuan ng DSWD, sa pangunguna ni Secretary Rolando Joselito Bautista ay labag sa batas na madoble ang natatanggap na tulong at ayuda ng senior citizens mula sa pamahalaan.

Si Bautista ay retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sana hindi naging mahigpit ang DSWD sa batas na sinasabi nito dahil sobrang liit ng P500, o pensiyon na mas malaki nang kaunti rito.

Dapat hindi kinalimutan ng DSWD na biglang namigay ng ayudang pinansiyal ang aministrasyong Duterte sa 18 milyong kabahayang mayroong mga nakatirang pinakamahihirap na mga pamilya.

Kaso, hindi naganap.

Binanggit ko lang upang ipaalala ko sa inyong lahat kung anong klaseng DSWD mayroon tayo.

Itinayo ang DSWD upang alalahanin, harapin, asikasuhin at aksiyonan ang panlipunang pangangailangan ng mamamayan tungo sa pag-unlad.

Kasama sa mamamayan ang mga matatanda dahil noong kabataan nila hanggang bago nila sapitin ang edad 60 ay marami silang ginawa para sa ating bansa.

‘Mapalad’ ang mga senior citizen na nakatira sa kanilang mga anak na sobrang yayaman dahil kahit hindi na sila bigyan ng tig-limangdaan kada buwan ng DSWD, o ng GSIS.

Ngunit, hindi dahilan at hindi batayan ito upang pagkaitan ng DSWD at ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ang mga matatanda.

Wala pa naman ako sa 60 dahil 53 – anyos pa lamang ako.

Tinalakay ko ang kalagayan ng senior citizens dahil ipinabatid ng pinuno ng SSS na si Aurora Ignacio na hindi magbibigay ng karagdagang P1,000 sa pensiyon ng mga retiradong manggagawa ang nasabing ahensiya bago sumapit ang 2022.

Inilinaw at idiniin ni Ignacio sa Public Accounts Committee ng Kamara de Representantes nitong Lunes na walang ligal na batayan ang P1,000.

Ani Ignacio, walang nakasulat sa “Memorandum” na inisyu Executive Secretary Salvador Medialdea na magbibigay ng panibagong P1,000 ang SSS sa mga kasapi ng ahensiya na senior citizens, maliban pa sa P1,000 ibinigay na noong 2017.

Noong 2017, nagbigay ang SSS ng karagdagang P1,000 sa mga natatanggap ng mga kasapi ng SSS alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nangako ang pamunuan ng SSS noong 2017 na bago sumapit ang 2022 ay ibibigay nila ang karagdagang P1,000 upang mabuo ang P2,000 umento sa benepisyo mula sa SSS.

Tapos, ngayon ay walang ligal na basehan ang P1,000?!

Pokaragat na ‘yan!

Talaga bang walang malasakit ang pamahalaan sa mga matatanda?