Advertisers
SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang posisyon at panawagan ng Metro Manila sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na ikonsidera at pag-aralan muna ang plano nitong payagan na ang pagbubukas ng mga tradisyonal na sinehan dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
“Sang-ayon po ako sa ating mga Metro Manila mayors na pag-aralan po muna muli ang pagbubukas ng mga sinehan sa mga malls,” ani Go.
“Delikado pa po ang sitwasyon,” diin niya.
Nauna rito, sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez na ang pagbubukas ng mga sinehan ang bubuhay sa entertainment industry, nagkakahalagang P13 billion, at magpapanumbalik sa trabaho ng tinatayang 300,000 Filipinos.
Ang industriya ay sinasabing nalugi ng P1.3 billion dahil sa lockdowns noong 2020.
Gayunman, sinopla ng Metro Manila Council, ang nasabing panukala.
Sinabi ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na tutol ang mga alkalde sa rekomendasyong buksan ang mga sinehan.
Ngunit ayon kay Lopez, ang desisyon ay nirebyu ng mga eksperto mula sa technical working group ng IATF-EID, sa pagsasabing maglalatag naman aniya ng “extra protocols”, kagaya ng ventilation.
Ang mga sinehan aniya na nasa ilalim ng general community quarantine ay papayagan lamang na makapag-operate sa pamamagitan ng 50 percent capacity.
Tila nakalampag naman ang gobyerno sa pag-alma ng Metro Manila local chief executives kaya iniurong ang pagbubukas ng mga sinehan sa Marso 1, 2021 habang may isinasagawang konsultasyon sa mga mayor.
Maglalatag ng guidelines ang concerned agencies at local government units kaugnay ng nasabing plano.
Sinabi naman ng IATF na nirerespeto nito ang posisyon ng LGUs at tiniyak na kokonsultahin ang mga alkalde bago ipatupad ang plano.
“Nirerespeto po ng IATF ang posisyon ng ating mga alkalde, lalong-lalo na dito sa Metro Manila. Kaya nga po sa resolution, nakasaad po ‘yun, ito po ay magiging epektibo matapos po ang mga guidelines na iisyu ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa pagdating sa seating capacity ng mga sinehan,” ang sabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, Jr.
“Ngayon po ang status nito, ang pagpapatupad po ng pagbubukas ng sinehan kung matutuloy po ay Marso a-uno,” sabi pa ni Roque.
Habang hinihintay pa ang implementasyon ng national vaccination program, pinayuhan naman ni Sen. Go ang mga Filipino na manatiling vigilante sa pananatili sa kanilang mga bahay kung kinakailangan at iwasan ang mga hindi naman mahahalagang biyahe.
“Hindi po natin nakikita ang sakit na COVID-19, lalo na po sa loob ng sinehan na madilim. Hindi pa po nag-uumpisa ang ating pagbabakuna,” ayon kay Go.
“Kung maaari, manood na lang po tayo ng palabas sa ating mga tahanan. Maraming salamat po,” ipinayo niya.
“Huwag muna tayo magkumpyansa. Sa bawat desisyon na ating gagawin, isaalang alang natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating komunidad. Unahin natin palagi ang buhay ng bawat Pilipino,” he continues to remind authorities and the general public. (PFT Team)