Advertisers

Advertisers

‘Reckless driving’ penalty sa driver na walang face mask inalmahan

0 390

Advertisers

PUMALAG ang ilang mga mambabatas sa “reckless driving” na penalty na ipinapatupad ng Land Transportation Office (LTO) sa mga driver ng mga sasakyan na may mahuhuling walang suot na face mask kung lagpas sa isa ang sakay.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na posibleng ma-lantad lamang ito sa katiwalian dahil ang “reckless driving” ay tumutukoy sa kung paano ino-operate o minamaneho ng isang driver ang sasakyan at hindi ito applicable sa hindi pagsusuot ng face mask sa loob ng sasakyan.
Katwiran naman dito ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, kaya “reckless driving” ang penalty sa mga hindi magsusuot ng face mask sa loob ng sasakyan ay dahil nailalagay umano sa alanganin ang kapakanan at kalusugan ng mga pasahero.
Pero hindi ito sinang-ayunan ng kongresista lalo pa’t magiging oportunidad ito sa pangongotong ng mga traffic enforcers.
Umapela naman si Nueva Ecija Rep. Micaela Violago na sa halip na “reckless driving” ay sabihan na lamang o magbigay babala sa mga motorista na walang suot na face mask sa loob ng sasakyan.
Dagdag ni Biazon, sapat na sigurong parusa ang abala na malilikha sa mga motoristang patatabihin ang mga sasakyan para lamang sitahin sa hindi pagsusuot ng face mask.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) rules, kapag dalawa o higit pa ang sakay sa sasakyan ay kailangang nakasuot ng face mask.