Advertisers

Advertisers

Mahina ang gobyerno

0 658

Advertisers

SA PAGHARAP kay Rodrigo Duterte, inamin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na dalawang bansa sa Asya ang nagbigay ng bakuna sa kanilang mga mamamayan – Indonesia at Singapore. Hindi kasama ang Filipinas, sapagkat hindi ito nakakaangkat bagaman patuloy ang pakikipag-usap sa mga gumagawa ng bakuna, aniya.

Nangyari ang pag-amin sa harap ng telebisyon noong Lunes ng gabi. Nakakalungkot sapagkat napag-iwanan ang Filipinas. Hanggang negosasyon lamang si Galvez. Marami ang hindi naniniwala sa bakuna lalo na ang galing sa China.

Ngunit pinuri ni Galvez ang kampanya ng mga kontra sa bakuna, o antivaxxers, sa social media. May himig panunuya si Galvez sa kampo ng gobyerno na halos walang magawa sa kampanya sa bakuna. Binigyan ng halaga ni Galvez si Harry Roque at ang lingguhang forum ng DoH sa Malacanang. Limitado ang papel ng gobyerno kahit malaki ang budget sa kampanya.



Kailangan ayusin ang rollout ng bakuna, ani Delfin Lorenzana, ang kontrobersiyal na kalihim ng tanggulang bansa, na sumagot kay Galvez. Aniya: “Importante ang pag-aangkat ng bakuna. Sa tingin namin ay mas importante ang rollout. Kasi kapag hindi naplano nang mabuti baka masiraan tayo ng bakuna, sayang po iyon.”

Siniguro ni Duterte ang imbakan ng bakuna. Mabisa ang bakuna kapag naimbak ng maayos. Ani Duterte: The only salvation actually for those who have not been sickened with COVID-19 and pending the rollout of the vaccine, is really that you follow the protocol imposed by government. Kapag sinunod ninyo iyan, you have great chances of not getting it.”

Dagdag ni Duterte: I take exception sa statement na they were able to prevent corruption (sa vaccine procurement) because of their vigilance. Far from it. You are just muddling it, ginugulo lang ninyo.” Umiral ang hinala sa korapsyon. Lihis sa linya ang sakiting lider.

Walang masilip na malinaw na direksyon ang kampanya ni Duterte laban sa mapinsala na virus. Tulad ng nakagawian, walang programa, walang plano, at walang target na rollout ng bakuna. Basta kung ano lang ang maisip. Isang taon na ang pandemya pero hindi umuunlad ang sitwasyon ng bansa. Hindi nagagapi ang mapanganib na virus.

Hindi malinaw kung ano ang gagawin ng gobyernmo bagamat sinabi niya minsan na kailangan mabakunahan ang 70 milyon sa 2021. Hanggang doon lang. Labis na umaasa si Duterte sa bakuna. Ngunit suliranin ang pagkawala ni Duterte sa eksena. Hindi siya nakikita. Minsan kada linggo lamang siya lumalabas upang giyahan ang mga kasama sa gobyerno.



Wala rin malinaw na programa ang gobyerno sa impormasyon. Sa tono ni Galvez, iniwan lahat kay Harry Roque kahit wala siyang nalalaman sa pakikipagtalastasan sa publiko. Isa siyang manananggol at hindi marunong sa naiibang linya.

Minumura ng marami si Harry Roque bilang tagapagsalita ni Duterte sapagkat hindi niya alam ang trabaho. Mahilig ipasok ang kanyang opinyon na wala sa lugar. Pinagtatawanan, nililibak, at nililiit ang kanyang kakayahan. Walang maaasahan kay Duterte, Roque, at kanyang team.

***

MARAMING hindi malinaw na probisyon ang Bayanihan Act to Heal as One (RA 11469), ang batas na ipinasa ng Kongreso sa huling bahagi ng Marso, 2020 upang tugunan ang pandemya. Gayundin ang Bayanihan to Recover as One (RA 11498), o Bayanihan 2. Dinagdagan ng mga bagong batas ang poder ng pangulo upang maharap ang pandemya kahit may mga mambabatas na tumututol sa ganitong gawi sapagkat inaaabuso ang dagdag na kapangyarihan.

Hindi malinaw sa ilalim ng bagong batas ang relasyon sa pagitan ng gobyerno at Philippine Red Cross. Hindi rin malinaw ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at mga resort at hotel na pinagdadalhan ng mga dayuhan para sa kanilang kuwarantina. Mas lalong hindi malinaw ang pagbibigay ng social amelioration program (SAP) sa mga tao. Natapos na ang dalawang batas ngunit patuloy ang mga bangayan sa usaping ito.

May mga turista at bumabalik na OFW ang dinala sa mga hotel at resort facilities na walang pasabi ang gobyerno. Marami sa kanila ang apektado ng lockdown sapagkat pinigil ang kanilang mga empleyado na pumasok sa trabaho at pinalitan ng mga kawani ng DoH at ibang sangay ng pamahalaan na walang alam sa pagpapatakbo ng mga resort at hotel.

Walang malinaw na guidelines ang mga batas. Mayroon mga IRRs (implementing rules and regulations), ngunit humahalo ang mga ibinababa ng Inter-Agency Task Force On Emerging Infectious Diseases (IATF) ang inaasahan. Ngunit palaging problema ang mga administrative bodies lalo na kung bagong tayo. Maski saan, problema sila.

***

MAY ISINULAT ANG AMING KAIBIGAN na si Ba Ipe tungkol sa mga traydor o mga tinawag noon na “Makapili.” Silang ang mga nakasuot ng bayong sa ulo at itinuturo ang mga gerilya upang bitayin ng mga Haponese. Narito:

MGA huling buwan pananakop ng nga Japones noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig nang nagsulputan sa publiko ang mga kasapi ng Makabayang Kalipunan ng mga Pilipino. Tinawag sila na mga MAKAPILI.

Marami sa kanila ang mga dating kasapi ng Ganap Party, o mga Sakdalista ni Benigno Ramos, isang manunulat sa wikang Filipino. Auxiliary worker (katulong) sila ng Japanese Imperial Army kahit nakahingi sila ng karapatan na mabayaran tulad ng mga sundalong Japones (teka, marami sa kanila ang mga Koreano at Taiwanese na binigyan ng mga pangalang Japon).

Malalim ang mga alaala na iniwan ng mga kasapi ng Makapili. Sa mga pagkakataon na lumabas sila sa publiko, sila ang mga taong may suot na bayong sa ulo upang hindi makilala. Sila ang mga nagturo sa mga sundalong Japones ng mga gerilya at kriminal noong panahon ng Japon.

Hindi dumadaan sa proseso ng katarungan ang mga itinuro. Walang sakda; hindi sila dumadaan sa proseso ng hukuman noon. Kinukuha sila ng sundalong Japones sa kanilang tahanan upang ikulong at patayin. Maraming pagkakataon na pinapatay ang mga itinuro ng mga Makapili.

Masidhi ang operasyon ng mga kasapi ng Makapili sa mga huling buwan ng 1944 at unang buwan ng 1945, ang panahon na nangyari ang tinawag na “Battle of Manila.” Base ng operasyon ng mga Makapili ang Maynila at kanugnog lugar tulad ng Makati at maging sa ilang bayan ng Laguna at Rizal kung saan malakas ang Sakdalista.

Lingid sa kaalaman ng mga Japones, maraming kasapi ng Makapili ang nakilala ng mga pamilya na kanilang itinuro. Sa pagwawakas ng digmaan, nagkaroon ng gantihan. Maraming Makapili ang pinatay ng mga taong hindi nakilala hanggang ngayon. Napilitan ang liderato ng mga Japon na dalhin ang mga Makapili nang umurong sila sa Cordillera sa pagwawakas ng digmaan nong 1945.

Marami sa Makapili ang hindi na lumutang. Pinaniniwalaan ng pinatay sila ng mga puwersang Japones na naging desperado sa pag-uro. Iyong mga Makapili na hindi nakilala, nagbagong buhay at nakabalik sa daloy ng lipunan.

***

Email:bootsfra@yahoo.com