Advertisers
MAY 6,500 motorista ang pinadalhan ng notice upang bayaran ang kanilang multa mula iba’t-ibang paglabag sa batas trapiko sa kabisera ng bansa.
Ito ang napag-alaman kay Mayor Isko Moreno, na nagsabing ang mga notice ay ipinadala na ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pamumuno ni Dennis Viaje sa pamamagitan courier service. Kasabay nito ay umapela ang alkalde sa mga motorista na dumadaan sa kalye ng lungsod na istriktong sundin ang itinakdang batas trapiko upang makaiwas sa perwisyo.
Base sa records na mula kay Viaje ay sinabi na ang kabuuang halaga na kokolektahin mula sa nasabing paglabag ay P188,000. Ito ay mula sa petsang January 13 hanggang January 21, 2021.
Ang mga nabanggit na notice ay mula nang inilunsad ng pamahalaang lokal noong nakaraang buwan ang non-contact apprehension program (NCAP) sa lungsod upang malimitahan ang interaksyon sa pagitan ng traffic enforcers at motorista.
Ito ay pagtugon na rin ni Moreno sa mga daing ng mga motorista na kinokotongan umano ng ilang enforcer.
“Pinakinggan kayo ng gobyerno at nag-adopt tayo ng techology para walang pagtatalo… pero kita nyo, yayaman tayo dahil sa violations. Nakakahiya. Sumunod na kasi kayo sa batas-trapiko,” sabi ni Moreno.
Napuna ng alkalde na noong mag- dry-run ang NCAP bago pa ito pormal na sinimulan ay iniulat ni Viaje na may naitalang 57,000 traffic violations sa loob lamang ng isang linggo.
Nagbigay babala ang alkalde sa lahat ng mga may-ari ng sasakyan na kung hindi magbabayad ng kanilang multa ay hindi rin makapagpaparehistro ng kanilang sasakyan.
“Sinabi ko naman sa inyo me camera na, ayaw ninyo maniwala. Sumunod na kayo sa batas trapiko,” paghihikayat ng alkalde sa mga motoristang bumibyahe sa mga kalye sa Maynila. (ANDI GARCIA)