Advertisers

Advertisers

Parañaque Task Force na nagposas at nagsipa sa mukha ng vendor kahit nakadapa sinuspinde na ni Mayor Olivarez

0 529

Advertisers

UMANI ng batikos at pagkondena ang marahas na pag-aresto sa isang vendor sa kalagitnaan ng clearing operations sa Parañaque City.
Nag-viral ang video ng pag-aresto ng Parañaque Task Force sa vendor na si Warren Villanueva na tumangging ibigay ang kaniyang kariton sa enforcers.
Limang tauhan ng task force ang nagtulong-tulong na posasan si Villanueva habang ang isa sa mga ito ay sinipa sa mukha ang vendor na nakadapa na.
Nabatid na pinalaya rin si Villanueva matapos itong makiusap at humingi ng paumanhin sa pagpalag na makuha ang kaniyang kariton na tangging gamit niya para kumita ng pera para sa kaniyang pamilya.
Samantala, sinuspinde na ang mga miyembro ng Parañaque Task Force na marahas na nagpaalis sa mga vendor sa lansangan ng lungsod, ayon kay Mayor Edwin Olivarez nitong Linggo.
Ayon kay Olivarez, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente at maaaring matanggal sa serbisyo ang mga ito kung mapatutunayang mayroong harassment at kalabisan sa pagpapatupad ng kanilang awtoridad nang ikasa ang operasyon.
“Pinabigyan ko na ng preventive suspension ang mga na-involve po dun. Ang akin pong bilin sa kanila, susunod tayo sa protocol at kailangan maximum tolerance,” ani Olivarez.
“Binibigyan ng notice muna sila para magtanggal po sila ng kanilang obstruction sa kalsada… Di po pwede na kunin ang paninda. Kinakausap nang maayos na tanggalin ang obstruction sa kalsada,” sabi ng alkalde nang tanungin kung ano ang protocol sa pagsita sa mga street vendor.