Advertisers
NITONG nakaraan lang ay naaprubahan na ng Kongreso sa ikatlong pagbasa o 3rd Reading ang panukalang batas na “Media Workers’ Welfare Act” o House Bill 8140.
Nangangahulugan na ilang kembot na lang, ika nga, ay maisasabatas na ang mga paraan para sa karagdagang proteksyon, seguridad, at benepisyo sa mga media workers.
Nasasaad kasi dito na nararapat sa media workers na nasa pribadong sektor ang minimum wage na itinakda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board, maging ang overtime pay, night shift premiums, hazard pay, at iba pang kompensasyon sa ilalim ng Labor Code of the Philippines at iba pang batas.
Hindi ba’t malaking kapakinabangan yan para sa mga kabaro kong nasa larangan ng pamamahayag.
Ito pa, kasama sa benepisyo ang P200,000 sa bawat media worker na masasawi sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin; disability benefit na P200,000 para sa partial disability; at insurance benefit na P100,000.
Kaya naman maging ang aking boss na si Presidential Communications Secretary Martin Andanar ay agad pinasalamatan ang nagsulong ng panukalang batas na ito, walang iba kundi si ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran na nanggaling rin mismo sa hanay ng mamamahayag at ang 218 mambabatas na umayuda sa pagkakapasa ng panukala sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito raw ayon kay Secretary Andanar ay testamento na ang Administrasyong Duterte ay may taos pusong hangarin na mapabuti, maprotektahan at igalang ang karapatan, katayuan at seguridad ng bawat kasapi ng sektor ng pamamahayag.
Ang atin namang pinamumunuang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na siya ring likha sa pamamagitan ng kauna-unahang Executive Order ng Pangulong Duterte ay nangangakong magiging katuwang ng maisasabatas na panukala para sa ikabubuti ng media sector.
Makaka-asa tayong papasa rin ito sa Senado dahil may kahalintulad na panukala ito sa mataas na kapulungan na isinulong naman ng walang iba kundi ang ngayon ay pangulo ng Senado na si Senador Tito Sotto.