Advertisers
HINIHINALANG tinortyur muna bago pinatay ang isang babae at lalaki na natagpuan ang mga bangkay sa madamong lugar sa Barangay Anglas, Cavinti, Laguna.
Ang mga biktima ay nakasuot ng kulay pula, itim at orange na t-shirt at itim na short bukod sa may tattoo sa braso na “Prince Doren” at “Pillow” ang lalaki ay kapwa may tama ng bala sa ulo at katawan.
Mayroon ding malalaking sugat ang mga biktima kaya hinihinalang pinahirapan muna ang mga ito bago tuluyang pinatay.
Batay sa ulat na isinumite kay P/Col. Serafin Petalio, director ng Laguna Police, 10:25 ng umaga nitong Linggo nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima.
Isang Joel Aguirre, mekaniko ng Calmar Subdivision, ang iihi sana sa damuhan nang makita niya ang dalawang bangkay. Agad niya itong ini-report sa barangay at himpilan ng Cavinti Police.
Natagpuan din sa lugar ang dalawang empty shell at isang slug cal. 45 pistol.
Kamakailanlang ay dalawang lalaki rin ang natagpuang patay sa may bundok ng Kalayaan at sumunod nitong Huwebes, Enero 21, ay dalawa rin ang itinapong bangkay ng mga lalaki sa palayan sa Brgy. Tubuan, Pila.(Dick Garay)