Advertisers

Advertisers

Senate Bill na magsususpinde sa PhilHealth contribution hike, inihain ni Sen. Go

0 261

Advertisers

INIHAIN ni Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate Committee on Health, ang Senate Bill No. 2000 na layong bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na isuspinde ang nakatakdang pagtatatas ng premium contribution rates ng Philippine Health Insurance Corporation.

“Mag-focus muna tayo kung paano matutulungan ang mga kababayan nating nangangailangan dahil sa COVID-19 crisis. Sa panahon ngayon, kailangan nating isaalang-alang muna ang pangangailangan nila,” sabi ni Go

“Lalo na ngayon na nasa health emergency ang bansa, nawawalan ng kakayahan ang mga Pilipinong magbigay ng dagdag na kontribusyon dahil sa krisis. Sabi nga nila, in this time of crisis, every single peso counts!” dagdag niya.



Kaugnay nito, umapela si Go sa national government na pasanin muna ang kailangang pondo sa implementasyon ng Universal Health Care Law habang ang maraming Filipino ay nagsisikap pang makabangon sa negatibong epekto ng COVID-19 crisis sa kanilang kabuhayan.

“Huwag na natin munang dagdagan ang pasakit ng taumbayan. Kung kaya naman, ang gobyerno muna ang sumalo sa kailangang pondo ng PhilHealth para maimplementa ng maayos ang Universal Health Care Law,” giit ni Go.

Ang SBN 2000 ay magbibigay ng awtorisasyon sa Pangulo na isuspinde, batay sa rekomendasyon ng PhilHealth Board, ang increase sa premium contributions, kung may kinalaman ito sa interes ng publiko sa panahon ng national o public health emergencies.

Noong Marso 2020, naglabas ang PhilHealth ng Circular No. 2020-005 para sa nakatakdang increase sa contributions, batay sa ilalim ng Republic Act No. 11223 o ng UHC Act.

Ang PhilHealth contributions ay awtomatikong magtataas taon-taon simula 2020 hanggang 2025 hanggang sa marating ang 5% ng monthly income.



“Palagi naming inuuna ni Pangulong [Rodrigo] Duterte kung ano ang makakabuti sa nakararami, lalo na sa mga mahihirap at pinaka-nangangailangan. Kung kaya’t nagsalita na ang Pangulo na ipagpaliban muna ang pag-increase ng rates ng contributions ng PhilHealth habang meron pa tayong pandemyang kinakaharap,” ayon sa senador.

“Sinabi niya na kung may maipapasang batas ang Lehislatibo na naglalayong ipatupad ang deferment, o kung may kailangang aprubahan na dagdag na pondo mula sa gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth, pipirmahan niya ito pagkatapos mapag-aralan nang mabuti,” ani Go. (PFT Team)