Advertisers

Advertisers

Pagpapalalim at paglilinis sa Marikina River

0 422

Advertisers

NANG manalasa ang sunod-sunod na bagyo sa Pilipinas noong nakaraang taon, naranasan na naman ang kaliwa’t kanang baha sa iba’t ibang lugar sa Luzon, kabilang ang Marikina City.

Halos lahat na yata ng paraan ay ginagawa na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para masolusyunan ito.

Kabilang sa mga ginagawa ngayon ng dalawang ahensya ay ang pagpapalalim at paglilinis sa mga ilog.



Sa ganitong paraan, maaaring maibsan o hindi na maulit ang mga nangyaring baha noon.

Tama ang ginagawa ng MMDA at DENR, hindi na kailangang hintayin pang may dumalaw pang bagyo bago isagawa ang pagpapalalim sa mga ilog.

Unang sinimulan ang pagpapalalim (dredging) sa Cagayan River.

Well, masyado na nga namang mababaw ang pinakamahabang ilog sa bansa kaya nang manalasa ang Bagyong Ulysses noong November 2020, talagang umapaw ito.

Lumubog ang buong Cagayan at nadamay pati ang Isabela.



Maging ang Marikina at iba pang lugar ay nalubog din sa baha.

Kaya, ayon kay City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, uumpisahan na rin daw ng MMDA ang pagpapalalim sa Marikina River para maiwasan din ang pagbaha.

Nagiging suki na kasi ng baha kada taon ang Marikina, Rodriguez, San Mateo at Taytay, Rizal sa sobrang babaw na ng nasabing ilog.

Sabi nga ni MMDA Chairman Benhur Abalos, Jr., kapag hindi napalalim ang Marikina River, mauulit ang mga pagbaha.

Halos walang tigil ang ginagawang paglilinis ng Marikina LGU sa mga basura sa ilog mula nang tamaan ito ng kalamidad.

Nang bumaha nga noong nakaraang taon, ayon kay Teodoro, sangkaterbang basura ang inanod na nagmula sa ilog.

Ipaprayoridad ng MMDA ang pagpapalalim sa mga ilog para maiwasan ang mga katulad na insidente.

Bukod dito, magtatalaga rin ang MMDA ng mga permanenteng personnel na magsasagawa ng dredging activities at restoration ng mga dike sa Marikina.

Ito ang pangako ni Abalos matapos itong makipagpulong kay Teodoro at sa iba pang opisyal ng lungsod.

Magiging katuwang aniya ng Marikina ang MMDA upang lumalim, lumaki at lumawak ang kapasidad ng Marikina River at maiwasan ang mas matinding pagbaha sa hinaharap.

Sinasabing nangako rin ang MMDA chief na aayusin nito ang mga dike sa Provident Village na nawasak makaraang manalanta ang bagyo noong isang taon.

Aba’y laking pasasalamat ni Mayor Teodoro kay Abalos dahil tumutulong ang MMDA sa lungsod bago at pagkatapos ng mga kalamidad.

Hindi naman kasi kakayanin ng Marikina LGU ang pagpapalalim at paglilinis ng ilog kung wala itong magiging katuwang sa pagsasagawa ng dredging operations tulad ng MMDA.

Good job at Mabuhay po kayo, Mayor Marcy at MMDA Chair Abalos!