Advertisers

Advertisers

Nagbunyag sa black sand mining sa Cagayan River, dapat imbestigahan

0 377

Advertisers

MALAKING palaisipan sa mga Aparrianos at Cagayanos kung bakit hindi pumirma sa Resolution No. 2019 (ss)-041a na may petsang July 29, 2019 ang isang mataas na opisyal na ginanap sa session hall ng Sangguniang Bayan ng Aparri.

Ang naturang resolusyon ay humihiling sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 sa pamamagitan ni Atty. Antonio A. Abawag, CESO 1V Regional Executive Director ng agarang pagpapalabas ng “Cease and Desist Order” laban sa Pacific Offshore Exploration Incorporated dahil sa isinasagawa nitong ‘’dredging operation’’ sa Cagayan, River.

Nakasaad din umano sa resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Aparri na mismong ang provincial government ng Cagayan ay umamin na walang ‘’dredging plan’’ at ‘’dredging permit’’ mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DOTr) ang naturang kumpanya.



Ipinaliwanag din sa naturang resolusyon na kung walang dredging plan at dredging permit sa mga ahensiya ng gobyerno, malinaw umano na hindi pinag-aralan ang masamang epekto ng paghuhukay sa Cagayan River.

Kabilang sa mga barangay na apektado ng dredging operation ng Pacific Offshore Exploration Incorporated na sinasabing pag-aari ng mga Tsino ay ang Barangay Bisagu, Barangay Punta, Barangay Toran at Barangay Macanaya.

Ano ang dahilan ng isang mataas na opisyal ng Sangguniang Bayan at hindi siya pumirma sa kanilang resolusyon? Samantalang ang Mayor Bryan Dale Chan ng Aparri ay pumirma?

Malaki rin ang hinala ng mga taong simbahan at Cagayanos na hindi ­dredging operation ang ginagawa ng dayuhang kompanya kundi black sand mining na ­ibinibenta nang mahal sa bansang Hong Kong.

Alam ba ninyo na ang lalawigan ng Cagayan ang pangunahing pinagmumulan ng black sand na dinadala sa Hong Kong para gamiting panambak sa Airport 3 Reclamation Projects? Samakatuwid, milyon-milyong dolyares ang nakapaloob dito na posible umanong aabot sa halagang $50 milyon.



Kapag ganoon kalaki ang pinag-uusapang halaga ay posibleng may kumikitang opisyal ng Aparri at provincial government ng Cagayan.

Ayon sa mga residente ng Aparri, hindi sila ­kayang ­palusutan ng mga taong ­nanunungkulan dahil ­kitang-kita sa video ang pagsipsip ng ­malaking tubo ng barkong pag-aari ng Chinese Company.

Isa nga namang kalokohan na papayag ang kompanyang The Pacific Offshore Exploration ­Incorporated na mag-dredging nang libre na walang kikitain?

Kung gaano ka ingay noon ang ginawang pagbunyag ng isang opisyal ng DPWH region 2 sa talamak na black sand mining na sinasabing kumikita ng P2 milyon kada buwan ang ilang opisyal sa Cagayan ay sobra umanong tahimik ngayon?

Samantala bukod sa Aparri ay talamak ang black sand mining sa bayan ng Claveria ayon sa grupong Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon).

Subaybayan natin!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

Samantala, laging subaybayan ang palatuntunang “walang personalan trabaho lang” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00nn sa RADYO NG MASA entertainment net radio. Tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band at 10:00am-11:00am sa DWXR 101.7FM – Mapapanood livestreaming via Facebook at Youtube!