Advertisers
PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda ng Executive Order No. 123 na nagtatapyas sa presyo ng import duty sa agricultural products sa ilalim ng section 1611 ng Republic Act No. 10863, mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act.
Sa ilalim ng EO, mananatili ang tinapyasang rate ng taripa ng tinatawag na mechanically deboned meat (MDM) ng manok at pabo hanggang sa susunod na taon bilang isang paraan upang mapigilan ang gutom at maiwasan ang mga presyo ng nasabing mga produkto mula sa pagtaas sa gitna ng patuloy na COVID-19 pandemya.
“This is most welcome and I support it. This will have a huge impact on keeping prices low by keeping the tariffs low and preventing any inflationary effect,” ani Go.
“Malaki ang maitutulong nito sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan sa gitna ng krisis na ating hinaharap. Maraming nawalan ng trabaho at kabuhayan. Maraming industriya ang nangangailangan ng tulong para makabangon. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya para pagaanin ang pinapasan ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Noong 2017, pansamantalang ni-reduced ng Pangulo ang tariff rates ng mga nasabing produkto mula 30%-40% sa 5% sa pamamagitan ng Executive Order No. 23 (s. 2017) bilang kasunduan sa trading partners upang ma-extend and quota sa rice imports na magpoprotekta sa mga Filipinong magsasaka.
Sa ilalim ng naunang EO No. 23, ang tariff rates ay babalik sa orihinal na Most Favored Nation (MFN) rates noong July 1, 2020 hanggang sa oras na ang amyenda sa probisyon ng rice tariffication sa Republic Act No. 8178 ay maging epektibo.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na dapat iprayoridad ng pamahalaan ang tatlong mahalagang aspeto sa pagbangon: (1) tugunan ang kagutuman; (2) magkaroon ng sapat, ligtas at epektibong bakuna sa lahat ng Filipino, lalo sa mahihirap, vulnerable sectors at frontliners; (3) at magbigay ng maraming economic opportunities gaya ng trabaho at kabuhayan.
“Ipaglalaban po natin ang tatlong importanteng mga adhikain na ito sa loob at labas ng Senado — ang pagsugpo sa gutom; ang pagkakaroon ng sapat, ligtas, at epektibong bakuna; at ang pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan ng bawat Pilipino,” ani Go.
“Tulad nga ng sabi ng Pangulo, no one should be left behind towards recovery,” idinagdag ng senador.
Sinabi ni Go na ang MDM ay pangunahing sangkap sa mababang presyo ng meat products na kadalasang binibili ng Filipino.
“Kung mapapanatili natin ang mas mababang taripa sa mga produktong ito, maiiwasan ang pagtaas sa presyo ng mga pagkain na madalas binibili ng mga ordinaryong Pilipino,” ani Go.
“Ginagawa po namin ang lahat para malampasan ang krisis na ito at makabangon tayo muli bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa,” ayon sa senador. (PFT Team)