Advertisers
KARAMIHAN sa atin, lalo ang millennials, narinig na ang sikat na K-pop idols na “BTS”, isang boy band na binubuo ng mga batang Korean singers.
Pero itong acronym na BTS ay hindi lang pangalan ng K-pop group. Ang ibig sabihin din nito ay ‘Be There Soon’ o kaya’y ‘Behind The Scene’.
Ang pinaka-latest na ibig sabihin ng BTS ay kumakatawan sa isang bagong kilusan sa Kongreso, ang ‘Balik sa Tamang Serbisyo’ na pinangunahan ni Taguig-Pateros Congressman at dating Speaker, Alan Peter Cayetano.
Say ni Cayetano, puede ring ang ibig sabihin nito ay “Bayanihan, Tapang at Serbisyo” na tila aniya nawala na ngayon sa Kamara de Representante. Nang siya ang Speaker, ang tawag sa Kamara ay House of the People o HOPE. Ngayon, nakakalungkot na ang dating HOPE ay naging House of Politics!
Ang punto ng BTS sa Kamara ay muling mapagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa, ang mga presyo ng bilihin at kuryente, at iba pang nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay nating mga ordinaryong Pinoy.
Layon din ng BTS na alamin ang kalagayan ng rehabilitation programs para sa mga nasalanta ng malalakas na bagyo, gayundin ang biktims ng eruption ng Taal Volcano noong Enero 2020.
Paano narin ang pag-aamiyenda ng batas para mapigil ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth ngayong taon, tulad ng pinag-utos ni Pangulong Duterte? Kahit ito ang utos ng Pangulo, kailangan parin ng bagong batas para magkabisa ito. May kumikilos ba ngayon sa Kamara para mapabilis ang pagpasa nito?
Yung pangako ng mga higante at mayayamang telcos na pabilisin ang internet service, na kailangang kailangan ngayon sa online learning at online businesses, may nangyari ba? Waley!
Ilan lang ito sa mga isyu na dapat ay napapaglaanan ng atensyon ng Kamara ngayon, pero tila ba puro pamumulitika nalang ang inaatupag ng grupo ni Spkr. Lord Velasco.
Di ba’t sa dinami-dami ng problemang kinaharap natin ngayon dahil sa COVID-19, nakuha pa nilang buksan ang debate tungkol sa Charter Change? Napakalayo ng mga prayoridad nila sa mga tunay na pangangailangan ng bayan at ekonomiya natin ngayon.
Eto ang gustong baguhin ng BTS, na kasama rin sina former Deputy Speakers Camarines Sur Cong. LRay Villafuerte, Laguna Cong. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu at Capiz Cong. Fredenil Castro. Kasapi rin dito sina Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado na dating chairman ng House committee on good government and public accountability; at Anakalusugan partylist Cong. Mike Defensor na dating chairman ng House public accounts committee.
Kung bibilangin ay pito silang lahat na nangunguna sa kilusang ito. Kasing rami rin ng miyembro ng K-pop group na BTS. Nagkataon lang naman.
Ayon kay Defensor, hindi lang sila ang kasapi sa kilusang ito, kundi marami pa silang committee chairperson at iba pang miyembro ng Kamara na sumisimpatiya sa layunin ng BTS. Baka eto ang magiging ARMY nila, kasama na ang karamihan ng mamamayang Pilipino na sawang-sawang na sa pamumulitika sa Kongreso.
Si Villafuerte naman ay nadismaya dahil nauwi na sa puro pamumulitika ang nangyayari ngayon sa Kamara, sa halip na pagtuunan ang mga importanteng panukala tulad ng mga bill para muling mapasigla ang ekonomiya at mga negosyo, at patuloy na mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap nating kababayan.
Kailangan ding pagtuunan ng pansin ang peace and order, say ni Cong. Castro. Dahil nakakabahala na ang mga nangyayari, tulad na lamang ng pamamaril ng isang pulis sa mag-ina kamakailan, at ang lumalalang problema ng online child pornography sa bansa.
Sana nga ay magtagumpay ang BTS sa layunin nilang muling ibalik ang Bayanihan, Tapang at Serbisyo sa Kamara. Gudlak!