Advertisers
UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na patuloy na tulungan ang public school teachers sa gitna ng kinakaharap na matinding hamon ng health crisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Partikular na tinukoy ni Go ang hirap na dinaranas ngayon ng mga guro sa iniimplementang blended learning habang hindi pa pinapayagan ang face-to-face classes.
Nauna rito, hiniling ng Department of Education na aprubahan ang paglalabas ng Early Language Literacy and Numeracy (ELLN) Program Support Fund para maisuporta sa K-to-3 teachers at instructional leaders ng pedagogical knowledge and skills on literacy and numeracy.
“Patuloy natin dapat sinusuportahan ang mga guro, lalong-lalo na ngayong pandemya. Hindi madali ang panahon ngayon. Naging mas challenging pa ang pag-aaral dahil nahaharap tayo sa maraming pagsubok, lalo na sa blended learning na ipinatutupad sa mga paaralan,” sabi ni Go.
Ang panukalang ELLN Fund na nagkakahalagang P20 million ay bilang suporta sa Region-wide Training on the Adoption of the Blended Delivery Model for Teacher Professional Development.
Ang bahagi ng pondo ay ilalaan sa pagbili ng learning materials para sa teachers’ training.
Gagamitin din itong subsidiya sa communication expenses o sa prepaid internet load upang ang teachers, school heads, at supervisors ay masustina ang kanilang online training at learning action cells.
Para kay Senator Go, ang paglalabas ng nasabing pondo ay mahalagang hakbang sa pagsupota sa mga guro, lalo’t kinansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sana’y dry run ng face-to-face classes dahil sa nadiskubreng bagong variant ng coronavirus.
“Mahirap na kalaban ang virus. May mga banta ng bagong strains. Dapat maging maingat tayo at matuto sa nangyari noong nakaraang taon. We have to guard up, especially for our kids who go to school. Ngunit, hindi pwedeng matigil ang pag-aaral ng ating mga kabataan,” idinagdag ni Go.
Ang ELLN Support Fund para sa school year 2020 ay orihinal na nakalaan sa face-to-face training ng supervisors at school heads. Dahil sa pandemya, ikinonbert ito ng DepEd sa initial training design ng blended learning.
Sinabi ng senador na hanggang wala pang ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19 sa bansa, ang pag-aaral ng mga estudyante ay mananatiling blended learning para na rin sa kaligtasan ng bawat isa.
Tiniyak ni Go na patuloy niyang susuportahan ang mga batas o hakbang na magpapalakas sa education sector, gayundin ang karapatan at kapakanan ng mga mag-aaral at guro.
“Hangad natin ay hindi lang mas maraming estudyanteng nag-aaral. Target din natin na mas maraming nakakapagsitapos ng pag-aaral,” ang sabi ni Go.
“Patuloy tayong maghahanap ng paraan na mabigyan ng suporta ang ating mga guro upang hindi matigil ang pag-aaral ng ating mga kabataang Pilipino. Kung gusto nating umunlad, dapat bigyan natin nang malaking importansya ang kapakanan ng mga guro para maisaayos ang pag-aaral ng ating mga kabataan, lalo na sa literacy at numeracy,” aniya. (PFT Team)