Advertisers

Advertisers

Tupada King, giba!

0 507

Advertisers

HINDI umubra ang tibay ng dating untouchable “Tupada King” ng Batangas nang salidahin ng elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Batangas Provincial Office ang pinoprotektahan nitong illegal cockpit sa bayan ng Ibaan, Batangas ilang araw pa lamang ang nakararaan.

Labing pitong sugarol ang nadakip ng team na pinamunuan nina CIDG Provincial Officer, P/LtCol. Bryan Dexter Andulan at CIDG Intelligence and Investigation Chief Emmanuel Rabe nang salakayin ng mga ito ang tupadahan ni alias Reming Kupal.

Nakatakas si Reming Kupal na kilala rin sa alias na Ka Reming nang isagawa ng mga CIDG operatives ang tupadahan nito sa Brgy. Malainin sa bayan ng Ibaan.



Hinihinala ng mga awtoridad na may look-outs si Reming Kupal kaya nagawa nitong makapuslit bago dumating ang tropa nina Andulan at Rabe.

Nakumpiska ng mga operatiba ang Php 29,870 bet money, ilang piraso ng tari, listahan ng mga pusta at ilang sasabunging manok.

“Nakapagtataka kung bakit napakatagal na palang may patupada itong si Ka Reming ay di naman inaaksyunan ng lokal na hepe ng kapulisan ng Ibaan at mga tauhan nito”, ang pahayag ng isang barangay official sa SIKRETA.

Liban sa iligal na pasabong may mga saklaan din at iba pang table games sa tupadahan ni Reming Kupal, ang pagsisiswalat pa ng ating police insider.

Maraming reklamo na ang naiparating sa tanggapan ni Ibaan Mayor Edralyn “Joy” Salvame at maging sa tanggapan ng pulisya ng nasabing munisipalidad hinggil sa iligal na pasabong ni Reming Kupal.



Pinangangambahan pa na maaaring maging mitsa ng pagkalat ng COVID-19 ang mga iligal na sugalan sa Brgy. Malainin, ngunit nananatiling walang aksyon ang lady mayor at ang police chief nito.

Ipinagyayabang ni Reming Kupal na alyado siya sa pulitika ni Mayora Salvame at malapit din ito sa gambling tycoon, Atong Ang na nagpapatakbo naman ng Sabong online, kaya di kayang tibagin ang kanyang patupada.

Dahil sa pagkabwesit ng apektadong mga maybahay sa pagkalulong ng kanilang mga padre de familia sa iligal na pasabong, sakla, cara y cruz at iba pang uri ng bawal na pasugal ni Reming Kupal ay palihim ang mga itong nakipag-ugnayan sa tanggapan nina Andulan at Rabe na agad namang nagkasa ng nasabing pagsalakay.

Ipinagharap na ng kasong paglabag sa R.A 9287 ( Comprehensive Anti-Gambling Law) ang mga arestadong sugarol. Di pa natin nalilinaw kung kabilang si Reming Kupal sa mga naakusahan.

Marami pang iniuulat na tila pader at untouchable na patupada sa lalawigan ng Batangas, kabilang dito ang tupadahan ng ilang barangay officials sa Brgy. Bucal, Batangas City na may katagalan na ding nag-ooperate gayong nasa tungki lamang ito ng ilong ng hepe ng pulisya.

Ang iba pang tupadahan ay ang pinatatakbo ng isang Kap Ogie sa bayan ng Balayan, patupada sa bayan ng Calatagan, tupada joints sa mga bayan ng San Jose, Nasugbu, Calaca, Lobo, Tanauan City, Lipa City at iba pang lugar sa lalawigan ng Batangas.

Dapat masusing subaybayan ni Batangas Provincial Director P/Col. Rex Arvin T. Malimban kung may katotohanan ang ulat na ilan din sa mga pinagkakatiwalaan nitong mga tauhan ay posibleng mga protektor ng iligal na pasugalan kabilang na nga dito ang tupadahan?

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.