Advertisers
SINIMULAN ng itayo ang sariling storage facility ng kabisera ng bansa bilang paghahanda sa pagdating ng mha anti-COVID vaccines kasabay din nito ang pagbibigay ng libreng swab tests simula sa darating na linggo.
Ito ang anunsyo ni Manila Mayor Isko nang samahan niya sina city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at assistant secretary to the mayor Letlet Zarcal para bisitahin ang itinatayong “Manila COVID-19 Storage Facility” na matatagpuan sa ika-7 palapag ng Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla.
Nabatid kay Andres na ang pagtatayo ng nasabing pasilidad na magsisilbing imbakan ng COVID vaccines na inorder ng lungsod para maprotektahan ang bisa ng bakuna ay aabutin ng ilang linggo bago matapos.
Ang Sta. Ana Hospital ay siya ring lokasyon ng Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) at ito ay nasa ilalim din ng pangangasiwa ni Padilla.
Matatandaan na nilagdaan ni Moreno nitong Lunes ang mga dokumentong iniharap sa kanya ni city general services office (CGSO) chief Thelma Perez para sa pagbili ng bakuna para sa 400,000 katao, 12 refrigeration system units para sa vaccine storage at 50 units ng transport coolers kung saan ilalagay ang mga vaccine habang ibinibyahe para mapangalagaan ang bisa nito. Ayon kay Perez, umaabot sa halagang P8M ang halaga ng freezers at transport coolers at maari din itong gamitin ng six city-run hospitals kahit wala na ang COVID.
Samantala, sinabi ni Moreno na ang inisyatibo ng pamahalaang lungsod na kontrolin ang bilang ng kaso ng coronavirus sa lungsod sa pamamagitan ng buong suporta ni Vice Mayor Honey Lacuna at ng buong konseho kung saan siya ang namumuno bilang presiding officer ay nagpapatuloy kung saan ang free swab testing ay gagawin na sa pamamagitan ng drive-thru.
Ang free drive-thru swab testing (RT-PCR) ay bukas sa mga motorista kung saan ang testing center ay mag-ooperate na sa Quirino Grandstand simula sa Lunes, January 18.
Tuloy din ang pagbibigay ng libreng serology tests sa pareho ding lugar para sa mga motoristang residente at hindi residente ng Maynila.
Ang kapareho dinh tests ay patuloy na ibinibigay ng libre ng lungsod sa mga city hospitals para naman sa non-motorists o walk-in patients.
Ayon sa alkalde ay 100 pasyente lang ang maaring ma-swabbed araw-araw at ito ay by appointment. Ang halaga ng swab tests sa pribadong ospitals o sa pribadong kumpanya ay nagkakahalaga ng ilang libo.
Pinayuhan ni Moreno ang lahat ng interesado na magpa-book ng schedule sa Manila Emergency Operation Center ng Manila Health Department sa pamamagitan ng pagtawag sa mga cellphone numbers: 09052423327; 09983226367; 09636023177 at 0955587597. (ANDI GARCIA)