Advertisers
IBINASURA ng Sandiganbayan ang graft charges laban sa dating senador at ngayon ay Information and Communications Technology Sec. Gregorio Honasan para sa P10-billion pork barrel scam.
Batay sa 52-pahina ng resolusyon ng anti-graft court, nabigo umano ang prosekusyon na makapaglahad ng sapat na ebidensya para patunayan ang alegasyon sa dating mambabatas.
“Accordingly, the cases against the accused are hereby dismissed,” nakasaad pa sa resolusyon.
Matatandaang inakusahan si Honasan na naglaan ng P29.1 million mula sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) nang walang public bidding.
Pero hindi umano maaaring patawan ng parusa ang inaakusahan kung walang sapat na rason at patunay.
Dahil sa desisyon ng Sandiganbayan, ang hold departure order laban sa kaniya at mga kapwa akusado ay inaalis na, habang ang bail bonds ay pinapa-release na rin.
Sa kaso ni Honasan, pitong iba pa ang naging co-accused, na iniuugnay din sa pork barrel scam.
Ang iba pang dati at kasalukuyang senador na nasampahan din ng reklamo dahil sa PDAF scam ay sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating Sen. Jinggoy Estrada at incumbent Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. (Mylene Alfonso)