Advertisers

Advertisers

GRUPO NG PARENTS SA CALOOCAN UMALMA SA PAMUMULITIKANG ILANG KONSEHAL

0 354

Advertisers

“TIGILAN na ang paggamit sa mga ipinamahaging tablet sa pulitika at pagtuunan na lamang ninyo ng pansin ang pagtatrabaho sa konseho.”
Ito ang banat ng opisyal ng General Parents Teacher’s Association na si Jasper Basmayor matapos kwestyunin ng ilang konsehal mula sa oposisyon ang kalidad ng mga tablet na ipinamahagi sa mga Grade 9 hanggang Grade 12 na mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan sa Caloocan City.
“Maayos yung tablet. We checked them. Ang totoong problema kasi yung ambisyon ng mga konsehal sa 2022. Napakalayo pa ng eleksyon pero pati ang mga mag-aaral ay ginagamit nila sa kanilang personal na ambisyon,” ani Basmayor.
Kinwestiyon din ni Basmayor ang panahon ng pagsasalita ni Councilor Rose Mercado hinggil sa mga tablet.
“Nakakaduda lang na noon ay proud sila na makakapamigay ng maayos na tablet ang lungsod subalit nagsimula silang mambato ng kung ano-anong issue sa lungsod mula noong tinanggal ni Caloocan Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa kanyang partido si Councilor Rose Mercado. Bitter parin ba si Mercado?,” ngitngit ni Basmayor.
Pinabulaanan din ng pamunuan ng Schools Division Office (SDO)-Caloocan na depektibo o mabagal ang mga tablet na kanilang ipinamamahagi na gawa ng Cherry Mobile na pag-aari ng Cosmic Technologies.
“Custom-model ng Cherry Mobile ang mga tablet. Ginawa sila para sa specific na kailangan ng DepEd Caloocan. They are 4G and LTE-ready kahit na 3G lang ang karamihang nasa market ngayon. Ang ibig sabihin ay mas mataas pa ang kalidad ng ibinigay na tablet ng Lungsod ng Caloocan sa amin kumpara sa requirement ng DepEd.” pahayag ni Losaria. “May in-issue rin na certification ang DepEd na compliant tayo sa requirements ng tablet.”
Ayon pa rito, hindi maiiwasan na maapektuhan ang kanilang mga guro sa paggamit sa mga ganitong issue sa pulitika.
“Nagtatrabaho kami sa gitna ng pandemya at hindi biro ang trabaho sa mga modules kaya nakaka-disappoint na ginagamit pa ang mga tablet sa mga ganitong issue,” ani Losaria.
Kinumpirma rin nito na nai-deliver na sa kanilang opisina ang lahat ng tablets mula sa LGU ng Caloocan.
“Natanggap na namin lahat ng tablets at naibigay na namin lahat sa mga school. By next week, hopefully, matapos na ang pamimigay sa lahat ng students. Medyo natagalan lang kami sa paglalagay ng mga kailangang modules, applications, at programs lalo na sa mga big school. Hindi naman natin pwedeng ibigay na wala ang mga ito dahil hindi rin magagamit,” paliwanag ni Losaria.
Dagdag pa ni Losaria: “We are thankful kay Mayor Oca na kahit hindi naman requirement ng national government ay nagkusa siya na tulungan ang Department of Education at bigyan ang mga mag-aaral ng tablet.”
Matatandaan na Cherry Mobile rin ang tatak ng tablets na ipinamahagi ng Lungsod ng Pasig at Lungsod ng Maynila.
Kabilang sa mga kumukwestyon sa kalidad ng mga nasabing tablet ang mga dating kaalyado ni Mayor Malapitan na sina Councilor Mercado at Councilor PJ Malonzo na pinatalsik sa partido ng alkalde. Ang dalawang konsehal na ito ay kaalyado ngayon ni Congressman Egay Erice na inaaasahang makakatapat naman ng anak ni Malapitan na si Congressman Along Malapitan sa 2022 election.