Advertisers
INIAHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na masusi niyang pag-aaralan ang planong maamyendahan ang economic provisions na nakapaloob sa 1987 Philippine Constitution, lalo ngayong kinakailangan ng bansa na mabilis na makarekober sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“Kung economic provision ang pag-uusapan, pabor po ako dahil 33 years na po ang Constitution at iba na po ang ating sitwasyon ngayon,” ang sabi ni Go nang tanungin hinggil sa usapin ng Charter change.
“Pag-aralan po natin ang economic provisions dahil kailangan natin ng more investments going back to our recovery and restoration of normalcy sa ating bayan. Marami rin pong dapat silipin to encourage more investors,” ayon sa senador.
Sinimulan na nitong Miyerkoles ng House of Representatives na pag-usapan ang panukalang baguhin na ang Saligang Batas na ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco ay magtutulak sa Pilipinas para maging competitive sa mga bansang kapitbahay natin sa Asya.
Tiniyak ni Velasco na anoman ang maging diskusyon sa lower chamber ay nakatuon lamang sa economic provisions at ang buong proseso ay magiging transparent at fair.
Suportado ng business community, sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry President Benedicto Yujuico na sa panukalang amyenda sa restrictive economic provisions, ang bansa ay lalong magiging competitive, mapapalakas ang foreign investments at mareresolba ang uncompetitive behaviors at under-investments sa ilang kritical na sektor para sa interes ng publiko.
Nauna nang sinabi ni Go na siya mismo ay susuportahan ang Constitutional amendments kung para ito sa ikabubuti ng ekonomiya at ng sambayanang Filipino.
“The Constitution is for the people by the people. Para po sa akin, kung ano ang makakabenepisyo sa Pilipino ay susuportahan ko, pero kapag maamoy na namin na ang makikinabang dito ay mga politiko, hindi po kami papayag,” idiniin ng senador. (PFT Team)