Advertisers

Advertisers

Ang Chacha ay para ding bakuna

0 321

Advertisers

SA sarbey ay halos kalahati ng mga Pinoy ay ayaw magpabakuna at 21% ay undecided. Ibig sabihin, wala pang 1/3 ang handang magpabakuna kahit nananalasa pa rin ang pandemya. Ang malaking pagdududa ay sa bisa ng bakuna. Kontrobersyal ang Sinovac na ipinipilit ng Palasyo dahil bukod sa mas mahal, 50% lang ang naiulat na bisa nito. Manhid at tanga lang ang hindi kakabahan sa prospek na maturukan ng kaduda-dudang bakuna mula sa China. Lumalabas tuloy na ang mga meyor at sanggunian na pinili ang ibang brand na mas mura at mas epektibo ay mas matalino kaysa sa Pangulo at mga tauhan nya sa Palasyo.

Kung ganito ang trato ng mga Pilipino sa bakuna sa isyu ng kalusugan at kaligtasan, dapat ay ganito rin natin tingnan ang binuhay na isyu ng chacha sa Kamara. Dahil bukod sa inaabala lamang ng mga kongresman ang kanilang sarili sa ganitong agenda sa gitna ng pandemya, gumagawa pa sila ng mapanlinlang na naratibo na ang Konstitusyon ang may problema kung bakit masama ang kondisyon ng ating bansa. Ibig sabihin, kung ang bakuna sa covid ay sa katawan itinuturok para labanan ang virus, ang chacha ay sa utak isinasaksak para isipin ng mga Pinoy na hindi sa uri ng liderato ang problema kundi sa Konstitusyon.

Isa-isahin nga natin ang mga rason para sa chacha para maging malinaw, katulad ng pagkukumpara natin sa Sinovac sa iba pang brand ng bakuna.



Unang dahilan. Baguhin ang konstitusyon para malayang makapasok ang dayuhang kapital sa bansa. Bawal nga ba ang dayuhang kapital sa Pilipinas? Hindi. Panahon pa ni Limahong, Magellan, McArthur, at hanggang magkaroon na ng IMF-World Bank, World Trade Organization, APEC, at ngayon ay RCEP ay free trade ang patakaran sa bansa. So, ano pa ang kulang? Ang wala na lang ay ang pribelihiyo na nakalaan sa mga Pilipino – ang pag-aari sa lupa, mayoryang kontrol (60-40) sa public utilities, at 100% sa mass media at educational institutions. Ngayon, ito na lang ba ang kulang para bumaha ng foreign investment sa Pilipinas?

Hindi rin. Sa mga sarbey sa mga dayuhang kompanya ay cost in doing business ang mayor tulad ng red tape, korapsyon, at mahal na presyo ng kuryente ang mayor na dahilan. Sa nakalipas na ilang dekada hanggang ngayon ay sa China, Vietnam at Singapore napupunta ang mayorya ng foreign direct investments (FDI) dito sa Asya. Kung gayon ay bakit? Hindi ipinamigay at hindi naman ipamimigay ng naturang mga bansa ang kanilang lupain at korporasyon sa mga dayuhan. Mga komunista pa nga ang ruling party sa China at Vietnam. Pero sila pa rin ang pinipili ang mga dayuhang imbestor.

Dagdag pa. Ang kontrol sa public utilities ay naikutan narin naman ng mga dayuhan panahon pa ni Cory Aquino at Fidel Ramos, at sa EPIRA ni Gloria Arroyo, ang generation ng kuryente ay inalis na bilang public utility kung kayat kaya’t deregulated na ang sektor na ito. Ang ating national grid ay pinatatakbo na rin ngayon ng China ngayon mula sa mga ibinunyag na dokumento sa Senado ni Senator Risa Hontiveros. Ang tubig ay nasa totoong nasa kamay ng lokal na oligarko pero malaking partner ng mga ito ay mga dayuhang kompanya at bangko. At kahit nga ang mga proyekto sa build-build-build (BBB) ay mga dayuhan na rin ang kontraktor. Huwag na nating pag-usapang mga POGO dahil lantaran na itong ibinubuyangyang at hindi na nakatago. Maging ang pagmimina na nakalaan lamang sa mga Pinoy ay naikutan na rin sa pamamagitan ng foreign technical assistance sa ilalim ng Mining Act of 1995.

Alin pa? Bawal ba ang imported products? Bigas at asukal nga ay imported na. Tanungin na lang ang Bureau of Customs kung ilang toneladang imported products ang dumarating sa bansa araw-araw. Baka nga kulang pa ang listahang ibigay nila sa dami ng palusot. Kung kulang ang listahan ng cutoms, tanungin na lang ang alibaba, amazon, e-bay, shopee at lazada at baka mas kumpleto ang datos nila.

Ngayon kung hindi pala saradong ekonomiya ang tunay na dahilan sa chacha, tiyak ginagamit lang itong palusot para may ibang agendang mailusot.



Partylist ngayon ang bagong alibi sa chacha. Mula mismo ito sa bibig ng Presidente. Nagagamit daw ng mga komunista ang sistema. Mali. Kung paggamit ang pag-uusapan, mas tropa ng mga trapo ang hari ngayon sa partylist. Dahil sa halos 60 nakaupo sa partylist, wala pang 10 dito ang maituturing na progresibo katulad ng Makabayan bloc. Ang ilang progresibo na dating narito tulad ng Partido Manggagwa (PM) at Akbayan ay nasuwag na ng mga trapo. Dahil kung ang mga progesibo ay sa harap na pintuan ng partylist system dumadaan, ang mga trapo ay nagbutas ng daanan sa likuran katulong ang Comelec at Supreme Court. Sa madaling salita, hindi mga militante kundi mga trapo at ahensya ng gubyerno ang totoong bumaboy at nagbigay kahihiyan sa sistemang ito.

So, ano ang totoong pakay? Sinasabi ni House Speaker Lord Velasco at Senate President Tito Sotto na hindi term extension o pagtatatag ng diktadura ang layunin ng chacha. Tratuhin natin ang pahayag na ito sa kanilang kabaliktaran. Dahil sa administrasyong ito, kung ano ang sabit ay siyang ginagawa. Ano ang katibayan? Ibalik lamang ang usapan sa Sinovac.

Samantalang sa hanay ng manggagawa, ayon sa Partido Manggagawa, hindi chacha kundi chicha – ayuda at bakuna – ang dapat prayoridad ng pamahalaan sa panahong ito ng pandemya.