Advertisers
UPANG matiyak na walang malalabag na COVID protocols sa darating na Kapistahan ng Sto. Nino sa Tondo at Pandacan at hindi mauwi sa wala ang lahat ng sakripisyong ginawa ng lahat ng residente ng lungsod at ng lokal na pamahalaan sa loob ng nakalipas na 10 buwan, ay binigyang direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng barangay at mga kapulisan na istriktong ipatupad ang liquor ban kasama ng mga ordinansang nagbabawal sa pag-inom ng alak sa kalye gayundin ang pagpapatupad ng curfew.
Ang direktiba ay nakapaloob sa Executive Order No. 2, na kumikilala ng pangangailangan ng mas mahigpit na patakaran at reglamento na dapat tugunin sa panahon ng pagdiriwang ng taunang Pista ng Sto Niño sa mga lugar sa Tondo at Pandacan. Ito ay karaniwan ng ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mga kasayahan tulad ng party at inuman sa kalye
Inatasan ni Moreno si barangay bureau chief Romeo Bagay na gawin ang lahat ng nararapat upang matiyak ang epektibo at mahusay na pagpapatupad ng EO mula January 16 hanggang 17, na nagbabawal sa pagbebenta ng lahat ng uri ng inuming alkohol at gayundin ng pagbabawal ng pag-inom sa kalye na may kaparusahan sa ilalim ng Ordinance 5555 at ang pagpapatupad ng curfew hours sa ilalim ng Manila City Ordinance No. 8692, na ipinasa ng city council ng Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer.
“The activities during the fiesta celebration, if not regulated, can be surely an easy medium of COVID -19 spread and transmission thereby endangering the health, well-being and safety not only of residents in the said areas but also to their guests and visitors who will join them in the celebration,” ayon kay Moreno sa kanyang direktiba.
Idinagdag pa nito na…“there is therefore a compelling need for the City to provide stringent guidelines and regulations not only to avoid the fear envisioned above but also in order not to put in vain all initiatives the City had undertaken the entire duration of this pandemic.”
Sa nasabi ring direktiba ng alkalde ay ipinagbabawal ang street parties; stage shows tulad ng beauty pageants, dance at singing contests; stage plays; parada tulad ng ‘Lakbayaw’; street games tulad ng basketball at volleyball, parlor games at iba pang katulad na gawain na aakit ng maraming tao.
Tanging ang pagdaraos lamang ng karaniwang misa sa Sto. Nino Parish sa Tondo at Pandacan na may kaugnayan sa kapistahan ang pinapayagan ni Moreno.
Ang EO ay base sa Section 16 ng Local Government Code of 1991 na nagbibigay kapangyarihan sa alkalde ng lungsod na magsagawa ng mga paraan upang proteksyunan at itaguyod ang kalusugan at pagkatao ng kanyang mga nasasakupan at gumawa ng iba pang paraan para sa kapakanan ng mga ito. (ANDI GARCIA)