Advertisers
Kalinga – Nabisto ang isang estudyante na may bitbit na 35 bricks ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P4.3 million nang maaksidente ito sa Barangay Bagumbayan, Tabuk City .
Ayon kay Police Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office, bago ang insidente ay mabilis na nilampasan ng lalaking nakamotorsiklo ang sasakyan ng mga pulis.
Pagkalipas ng ilang sandali ay sumemplang ang motor ng lalaki na agad na nirespondehan ng mga pulis sa Brgy. Bagumbayan.
Habang tinutulungan ng mga pulis ang lalaki na nakilalang si Jayvee Saguilod, 19 anyos, ay nakita sa loob ng bitbit nitong bag na tumilapon ang marijuana bricks na nasa 36.6 kilos.
Naniniwala si Limmong na galing ng Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga ang dalang marijuana ng estudyante na residente ng naturang barangay.
Nahaharap ang estudyante sa kasong may kinalaman sa pag-iingat ng ipinagbabawal na gamot o R.A 9165 Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)