Advertisers
BAWAL ang pagdaraos ng anumang aktibidad sa labas para sa pista ng Poong Sto. Niño de Tondo. Ito ang mahigpit na bilin ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabing, ang maaari lamang isagawa ay banal na misa sa loob ng Sto. Nino de Tondo Parish basta’t masusunod ang itinatakdang seating capacity na hanggang 30 porsiyento.
Gayunman, ang mga prusisyon o parada at iba pang aktibidad sa labas ng simbahan, gaya ng mga kalye, ay hindi papayagan.
Sinabi ng alkalde na kailangang mag-adopt ang mga tao sa “new normal” sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kailangan din aniyang mag-adjust ang mga tao para na rin sa kanilang sariling kapakanan.
Umaasa naman ang alkalde na makikinig sila, tulad ng nangyari noong Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno, kung saan nakitaan ng disiplina ang mga deboto sa pamamagitan nang pagtalima sa health protocols na ipinaiiral ng pamahalaan.
Batay sa paabiso ng Archdiocesan Shrine of Santo Nino, ang mga misa kaugnay sa pista ay gagawin sa Enero 16, ganap na 3:00 ng hapon; 5:00 ng hapon at 7:00 ng gabi at sa Enero 17, ganap na 4:00 ng madaling araw; 6:00 ng umaga; 8:00 ng umaga; at 10:00 ng umaga, gayundin sa 12:00 ng tanghali; 3:00 ng hapon; 5:00 ng hapon at 7:00 ng gabi. (ANDI GARCIA)