Advertisers
MAHIRAP salingin ang ugat ng kasaysayan. Tiyak na pagbabayaran ito. Ibayong ganti ang aanihin sa sinumang magtangka na baligtarin ang takbo ng kasaysayan. Nakita iyan ng tangkain ni Donald Trump na manatili sa poder kahit natalo siya sa halalan at tanggihan ng mga hukuman sa Estados Unidos ang mga sakdal na dinaya siya.
Mahaharap sa impeachment si Trump sa Kamara de Represantante. Sapagkat dominado ng mga Democrat ang Kamara, malamang na ipasa ang sakdal na impeachment laban kay Trump at dalhin ito sa Senado upang magkaroon ng pagdinig. Ngunit nasa recess ang Senado hanggang ika-19 ng Enero. Nakatakdang magtapos ang panunungkulan ni Trump kapag sumumpa si Joe Biden bilang kahalili sa ika-20 ng Enero.
Haharap sa kakatwang sitwasyon si Trump. Haharapin niya ang isang impeachment trial kahit tapos na ang panahon ng kanyang panunungkulan. Ngunit hindi ito ang punto. Nais ng maraming mambabatas ng magkahalong Democrat at Republican na huwag ng bumalik sa pulitika si Trump. Kapag idineklarang inalis sa poder si Trump, mawawala ang kanyang karapatan na tumakbong muli sa 2024.
Sinaling ni Ferdinand Marcos ang ugat ng kasaysayan ng bansa nang ideklara ang batas militar noong ika-21 ng Septiyembre, 1972, o halos 48 taon na ang nakakalipas. Minaniobra niya ang takbo ng pulitika sa bansa upang maging isang diktador. Ginantihan siya ng taongbayan nang patalsikin siya sa poder sa payapang himagsikan sa EDSA. Mistulang aso na bahag ang buntot na tumalilis ang pamilya Marcos sa pagtatapos ng himagsikan noong ika-25 ng Pebrero, 1986.
Hanggang buntong hininga na lang ang mga Marcos sa kanilang pagnanais na makuha uli ang Malacanang gamit ang mga ninakaw na salapi. Natalo si Bongbong Marcos noong 2016 bagaman may mga usap-usapan na balak niyang tumakbo sa 2022. Palaging may ganti kapag sinasaling ang kasaysayan. Iyan ang aral ng kasaysayan.
***
SINALING ni Rodrigo Duterte ang ugat ng kasaysayan ng hayagang niyang ipagkanulo ang Filipinas at kumampi sa China simula ng maupo siya noong 2016. Kinalimutan ang panalo ng bansa noong 2016 sa usapin ng pag-aari ng South China Sea sa sakdal na inihain ng gobyernong Noynoy Aquino sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Law of the Sea (UNCLOS) sa The Hague.
Ipinikit ni Duterte ang kanyang dalawang mata at hayagang pumayag na kamkamin ng China ang ilang isla sa West Philippine Sea. Ito ang dahilan kung bakit madaling nakapagpatayo ng base militar ang China sa mga kinamkam na isla. Hindi matanggap ng maraming mamamayan na ang taong inihalal upang mamuno ang magkakanulo sa bansa sa China.
Haharap ang mga pumupusturang kandidato sa 2022 sa isa sa mga pangunahing usapin – China at pagkamkam sa West Philippine Sea. Maski sa mga nakalipas na survey, matindi ang galit ng sambayanan sa patuloy na pananakop at pagkamkam ng China sa ating teritoryo. Masahol pa sa malansang isda ang tingin sa mga naghaharing uri ni Duterte pagdating sa usapin ng China.
Kung si Sara Duterte ang isasabak ng grupo ng Davao, malamang na ipagpapatuloy lang niya ang polisiya ng kanyang ama tungo sa China. Mangingibaw ang China sa maraming usapin sa bansa. Ipagpapatuloy lang ni Sara ang walang saysay na pagsamba sa China na katulad ng kanyang ama. China pa rin ang bida.
Hindi natin alam kung ano ang paninindigan ni Manny Pacquiao. Mistulang isang saranggolang may kilya si Manny pagdating sa China. Minsan mainit, madalas malamig. Walang pirming paninindigan si Manny. Hindi ganap na malinaw.
Hindi malinaw si Dick Gordon at Ping Lacson. May pagkakataon na kakampi sila sa China. Hindi sila tumayo sa bulwagan ng Senado upang punahin ang labis pagkatig ni Duterte sa China. Hindi sila tumayo upang batikusin ang China sa maraming usapin ng pang-aabuso, partikular ang kanilang pagnanakaw sa mga likas na kayamanang pandagat sa West Philippine Sea. Hindi sila tumayo sa pagtalikod ni Duterte sa desisyon ng UNCLOS.
Tanging ang mga kandidato ng oposisyon – Leni Robredo, Sonny Trillanes, at Kiko Pangilinan – ang mayroong malinaw na paninindigan sa usapin ng China at WPS. Isinusuka nila ang China at malinaw sa kanilang mga pahayag na hindi sila hawak ng China. Mukhang sila lang ang may lakas ng loob na magsasalita pagdating sa China. Lubhang naging duwag ang ibang pulitiko.
Minsan ginamit ni PNoy si Trillanes bilang backchannel sa pagresolba sa pangangamkam ng China sa exclusive economic zone ng Filipinas sa South China Sea. Pangulo si Noynoy Aquino at senador si Trillanes. Naiwasan ang mainit na tunggalian ng kumilos si Trillanes. Ang Samahang Magdalo ang nagsiwalat na pinagbawalan ni Duterte ang Philippine Navy na magpatrulya sa WPS habang itinatayo ng China ang base militar sa kinamkam ng isla.
***
HINDI naming maintindihan kung bakit patuloy na ipinangangalandakan ng administrasyon ni Duterte na may mga paparating na bakuna kontra Covid, na may mga kontratang napirmahan at pipirmahan, na nakikipag-usap sa mga kinatawan ng ilang dayuhang kumpanya na gumagawa ng bakuna, at kung anu-ano pa. Sa gitna ng maraming salita, walang binabanggit kung magkakaroon tayo ng isang pambansang programa kung saan ibibigay ng libre ang bakuna sa bawat mamamayan.
Sa gitna ng napakaraming satsat at dakdak, pamumustura at pagyayabang, pagpapanggap, at pagmamagaling, wala naman inihahatag na programa sa bakunang-bayan ang gobyernong sagad-sagaran sa kayabangan. Sa totoo, mukhang iniwan lahat sa mga LGUs at pribadong sektor ang usapin ng bakunang bayan. Isang malinaw na senyales na walang pera ang national government para sa isang bakunang bayan.
Totoong inaaasahan ng maraming mamamayan ang bakunang bayan. Hindi tayo bago sa programa ng mass immunization. Nagkaroon tayo ng matagumpay na bakunang bayan kontra polio noong 1993. Panahon ito ni Fidel Ramos, o FVR. Mayroon tayong bakunang bayan kontra tigdas, dengue fever, at polio noong 2014. Panahon ito ni PNoy.
Nagyabang si Duterte na magkakaroon tayo ng bakunang bayan sa 2021, ngunit hanggang ngayon hanggang drowing lamang ang mga opisyales ng kalusugan. Nagmagaling pa si Duterte na ang programang bakunang bayan kontra Covid ang lulutas sa lahat ng problema ng bansa na dala ng pandemya.Ngayon, tumahimik na ang mukhang bangag na lider. Iniwan na sa mga LGU at pribadong sektor. Bahala na kayo sa buhay ninyo habang umaakma na babalik muli sa mahimbing na pagtulog. Kanya-kanyang bili ng bakuna, o KKBB, ang polisiya ng gobyerno.
Purihin natin ang mga pribadong kumpanya na bumili ng maramihang doses ng bakuna upang ibigay sa kanilang mga empleyado. Kapuri-puri ang kanilang ginagawa. Hindi biro ang gumugol ng napakalaking halaga upang pangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga empleyado.